pektyur pektyur! ismayl!!!!

9.6.10

huwag mo akong salingin



Mataman akong nakikipagtitigan sa papahilom na mga sugat sa braso, tuhod at balikat ko. Isang linggo makalipas ang aksidenteng inabot ko sa basketball, nagsisimula nang kumati ang mga sugat palatandaan na nagsisimula na itong matuyo. Gusto ko sana itong kamutin pero mas namayani ang pagdadalawang-isip.

Makati ang sugat na nababahaw, masarap kamutin! Ngunit alam kong pag nasimulan na mahirap na itong pigilan, sapagkat lalo itong kumakati sa bawat pagkamot at syempre pa dahil kakaiba ang ginhawang naidudulot nito, nakakaadik.

Bagamat madalas tayong sinasabihan na wag kutkutin ang ating sugat kasi magpepeklat mas madalas din na nagiging matigas ang ulo natin. Kapag walang nakatingin, ang simpleng kamot na nagdudulot ng kakaibang ginhawa ay naglelevel up sa pakikialam sa langib ng natutuyong sugat.

Bakit nga ba masarap kutkutin ang nababahaw na sugat? Kasi may halong excitement, anticipation, sakit, sarap at makapigil-hininga ito. Sa unti-unti mong pagtanggal ng langib nito umaasa ka rin na tuluyan nang naghilom ang sugat sa ilalim. Ngunit sa pinakahuling bahagi ng iyong pagtatangka ay bigla na lang itong magdudugo! Bigla kang matatauhan at pilit mong lalagyan ito ng konting pressure para maampat ang pagdurugo nito.. hindi na muna gagalawin.. hindi muna… hanggang sa muling pagkati nito..

Bawat isa sa atin may peklat ng mga nakaraan. Merong malalim, merong mababaw at lahat ay may kakaibang kwentong tinataglay. Sa paglipas ng panahon, yung iba marahil ay limot mo na pero meron din naman na nag-iwan ng malalim na peklat sa iyong katawan at sa alala.

Sa lahat ng sugat sa ating pagkatao, ang sugat sa ating puso ang pinakamasakit, pinakamahapdi at pinakamatagal maghilom. At sa paglipas ng panahon, merong ilang malalalim na sugat na nagmarka sa ating puso ang aakalain nating tuluyan nang natuyo ngunit kagaya din ng isang ordinaryong sugat sa tuhod na ating kinakamot at kinukutkot, magugulat ka na lang isang araw na ang inakala nating bahaw na sugat sa ating puso ay di pa pala lubusang natutuyo, na pag di sinasadyang nasaling ng isang pangyayari o pinangahasang kutkutin ng isang tao ay muli itong magdurugo.

Maaring ang sugat sa puso ang pinakamatagal na mabahaw sa lahat ng mga tinamo nating sugat sa ating katawan, lalo na kung malalim ang sugat nito. Pero kagaya ng lahat ng sugat, maghihilom din ito.. hindi agad-agad, hindi madali, pero maghihilom din.. sa pagdating ng panahon..

Wag kamutin at wag kutkutin, magpepeklat.

Wag pilitin, hayaan lang na kusang matuyo.

A time to heal.

 
 
 
pektyur ninakaw mula sa flickr
 
 
 
 
 

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails