pektyur pektyur! ismayl!!!!

Showing posts with label kuro-kuro. Show all posts
Showing posts with label kuro-kuro. Show all posts

13.5.10

a time for later

Butil butil na ang pawis mo sa noo, pati panyo mo basang basa na dahil sa pawisan mong mga kamay, nanginginig pa ang mga tuhod mo, mga kabog sa iyong dibdib na daig pa ang mga kabayong nagstampede! Nawala na din ang mga litanyang paulit ulit mong prinaktis ng makailang ulit sa harap ng salamin. Sayang naman ang japorms mo, antagal mo pa naman inipon ang perang ipinambili mo ng terno. Mas nagmukha ka na ngang tao ngayon, ano pang ipinag-aalala mo? Antagal mo nang binalak na sya ay lapitan upang magpakilala pero wala kinakain ka lagi ng mga daga na namahay na sa iyong dibdib, nagkakasya ka na lang sa pagpasok ng sobrang aga sa araw araw para makasabay mo sya sa MRT at sa inyong elevator. Gagahibla na lang ang pwersang nagtutulak sa iyo upang ituloy ang matagal mo nang binabalak.. Tamang tama sana ang party na to, matagal mo tong binalak at pinag-ipunan.. ilang tugtog na ba ang iyong pinalagpas? ilang officemate mo na ang nakasingit at naisayaw sya? dapat ikaw na.. ngayon na, pagkakataon mo na syang lapitan…

wala nang ibang pagkakataon, ngayon na. wala na bukas…

Ang ating buhay daw ay isang napakalaking pagkakataon. Ang bawat nagdadaang araw sa iyong buhay ay isang pagsubok, isang hamon para patunayan ang iyong kakayahan, maging kakaiba, gumawa ng kakaiba, maging isang instrumento para sa ibang tao, isang pagkakataon para tuparin ang iyong mga mithiin sa buhay, isang pagkakataon upang patunayan ang tunay na kabuluhan ng iyong buhay sa mundo.

Pagkakataon. Patunayan. Ngayon.

Sapagkat di natin hawak ang ating buhay. Hiram lang, maaring bawiin kahit anong oras.

Maaaring ngayon ay humihigop ka lang ng mamahaling kape ng mga sosyal o kaya naman ay sinusulit ang unli mo o kaya naman ay pasimpleng petiks sa trabaho, pero walang ibang nakakaalam na maaaring ito na pala ang huling araw mo sa mundo. Yun, nasayang ang pagkakataon mo. Tingin mo kung mamamatay ka ngayon may napatunayan ka na ba sa sarili mo? Anong alaala naman ang maiiwan mo para maipagmalaki ka ng mga magulang mo o ng asawa at mga anak mong maiiwan? Hahayaan mo bang maging kagaya ka din ng iba na makalipas ang apatnapung araw ng pagpipighati sa iyong kamatayan ay tuwing bday mo na lang, araw ng kamatayan at araw ng mga patay kung ikaw ay maaalaala?

A time for later. Para sa mga bagay na hindi mo nagawa o nasabi.

Maigsi lang ang buhay. Ano pang hinihintay mo? Paano kung bigla ka na lang mawala sa mundo o bigla ka na lang di na magising bukas, ano pang magagawa mo?

Kelan mo pa ipapadama na mahal mo ang iyong mga magulang? Kelan mo sila papatawarin sa ginawa nilang pagpapalaki sa yo na di umaabot sa iyong pamantayan at sa pagmamahal na hindi nila naipakita o tuwirang naiparamdam sa yo? Di mo ba naisip na masyado lang silang naging okupado sa pagsisikap na maibigay ang lahat sayo? Tao din sila nagkakamali, walang perpektong magulang. Trial and error pa rin ang ginamit nila sa pagpapalaki sayo. Pagbali-baligtarin mo man ang mundo sila pa rin ang mga magulang mo. Wag mong asahan na sila pa ang maunang magpakumbaba at humingi ng tawad. Kung ikaw ang nakakakita ng mga mali, ikaw ang mas malawak ang pangunawa at alam mo kung nasaan ang butas, bakit hindi mo ito kusang takpan? Gaano ka ba talaga katigas? Hanggang kelan pa? marami ka pa bang oras? Baka pagsisihan mo lang yan at itangis. Magagawan naman siguro ng paraan. Pagisipan mong mabuti.

Para sa mga magkaibigan na pinaghiwalay ng magkaibang pananaw sa buhay. Dati rati ay walang kasing kulay ang inyong samahan. Wala kayong hindi pinagkakasunduan. Maaayos pa naman ang lahat. Maibabalik pa ang lahat. Hindi naman kelangan ng himala. Lunukin na ang pride, tanggapin na hindi sa lahat ng bagay ay magkakasundo kayo. Iisa man ang tinitibok ng puso nyo magkaiba pa rin ang takbo ng isip nyo dahil kayo ay dalawang nilalang, may sariling mga pagiiisip. Alalahanin mong mabuti hindi mo sya nagustuhan dahil pareho kayo ng hilig. Minahal mo sya dahil tanggap ka nya at naiintindihan ang pagkatao mo kahit ano ka pa. Dahil lagi syang andyan kapag kailangan mo sya at ikaw din sa kanya. Kaibigan mo sya dahil mahal mo sya at hindi dahil mahal ka nya. Dahil sya ang totoong tao na nagsasabi ng mga mali mo, sya na nakakakita ng flaws mo pero sa kabila ng lahat di ka pa rin nya iniiwan. Kalimutan nyo na ang nagdaang unos sa buhay nyo, life is too short to argue with petty things, move on. Ngayon. Wala nang panahon. Wag mong aksayahin ang bawat araw na masama ang loob mo. Sayang lang ang oras.

Sa iyong buhay, ilang pagkakataon na ang nasayang mo sa kakahintay ng pagkakataon na nakalagpas na pala o yun pala e di naman talaga dadating? Words left unsaid, things left undone, feelings left undisclosed.

Sa lahat ng pagkakataong nasayang, wala namang magandang naidulot ito sayo kundi puro agam agam lang, puro what if’s, puro multo ng nakaraan, pagsisisi. Na kung ginawa mo lang sana at di ka na nagpatumpik tumpik pa disin sana ay nagbunga. Di man ayon sa iyong plano o gusto at least alam mong may ginawa ka para subukang matupad ito.

Ngunit ikaw, ikaw na may kakayanan para mabago ang iyong buhay ngayon ano pang pinagpapatumpik tumpik mo dyan? tama na ang pagpapacute. Tama na ang pasakalye. Tama na ang paramdam. Wag kang umasta na friendly ka lang, huwag kang umasal na parang wala lang. Obvious na. Dumiretso ka, tumbukin mo na, wala nang oras para magpaligoy ligoy. Sayang ang oras. Ikaw din, maunahan ka pa ng iba, sino ang magiging kawawa?

Simple lang parekoy, wag mo nang ipagpabukas pa ang kaya mong gawin ngayon.

Pero hindi ko naman minamasama ang “a time for later”. Angkop ito at sumasaludo ako sa mga pusong walang sawa sa pagtibok at paghihintay sa pagbabalik ng isang pag-ibig kasabay ang pag-asang di mamatay-matay. Sa pag-asang magkakasama din sila sa bandang huli, sa kabila ng lahat ng hirap at pain. Kung ikaw ito, alam kong alam mo na dadating din ang panahon para sa inyong dalawa.

A time for us, later. Para sa dalawang puso na nagsumpaan. Sa dalawang kaluluwang walang laya sa kasalukuyan. Sa pag-ibig na pinaghihiwalay ng milya-milyang distansya. Sa mga pusong umaasa na sa bandang huli din ay magiging sila, sana…


Sensya na po.. isang walang kabuluhang post. Pasensya na kung magulo.

7.5.10

IKA-LABING ISANG UTOS (ang mahiwagang kapote.. bow!)


ANG MALAINOSENTENG TANONG:
Honeeeyyy…… bakit may condom ka sa wallet mo? Magsabi ka ng totoo…

ANG NAKAGIGIMBAL NA SCENARIO:
naliligo ka nun sa banyo, at nakakalat lang ang wallet mo, naisipan ng gf mo na bulatlatin at may nakita syang unused condom.

ANG MASAKLAP NA PROBLEMA:
Hindi kayo gumagamit ng magic kapote ng gf mo pag nagsesex kayo!!

ANG MALAGKIT NA KATOTOHANAN:
gumimik kayo kagabi ng barkada. Nagkainuman. Nagkaayaan na iupgrade sa highest level ang kasayahan. Nagkaayaan dalawin ang AF1. Dumaan sa convenience store, bumili ng ilang boxes ng condom. Nagenjoy. Naging bobo, nagiwan ng ebidensya sa wallet, nakalimutan ang ikalabing-isang utos.

ANG NAKAKATAKOT NA KASUNOD NA PANGYAYARI:
posibleng mabisto ka. Magiging bad shot sa gf mo ang barkada mo, at lagi kang pagdududahan sa tuwing may lakad kayo. I-torture ka ng gf mo, sa pananakit na pisikal, pakonsensya effect, wawasakin ang puso mong bato sa pamamagitan ng silent treatment at coldness o di kaya naman ay walang patid na pag agos ng isang timbang luha galing sa kanya. In short kailangan mo syang suyuin,flowers, letters, chocolates, at shopping spree. (Wag kang magpakasaya kapag napangiti mo na sya, dahil sa kasunod na pag-aaway nya, kahit irrelevant, lalabas ulit ang pangyayaring ito.)

o kaya naman,
para maiwasan ang sakit sa ulo, posibleng magpalusot ka, gamit ang alinman o kumbinasyon ng mga ito..

ANG MGA INSTANT PALUSOT (habang namumutla at nauutal utal ka):
a. May namimigay kasi ng libreng condom dun sa may kanto, para sa HIV awareness campaign daw
b. Nung minsan pa yan, kay pareng kolokoy yan, ipinapatapon sa akin nakakalimutan ko naman
c. Ah oo, nakwento lang kasi sa kin ni pareng kolokoy, nacurious lang ako.. bago daw yan glow in the dark, flavored at sensation plus pa.. look honey o! lika try natin?
d. Ahhh para kay utol yan.. alam mo naman nagbibinata na, kelangan kong turuan na maging safe, iwas disgrasya.. alam mo na..
e. Ano ka ba???!! Bakit pinapakialaman mo wallet ko??! Tas pag may nakita ka, kung ano ano tinatanong mo??! (sabay walk out)
f. Galing kami AF1 kagabi, kumuha kami ng mga sobrang gaganda at sexy na chikas, actually la ka nga sa kalingkingan nung mga un e… ayun , enjoy naman! Actually sobra na lang yang isa e, nireserba ko nga lang kasi balik daw ulit kami dun one of these days.. ok lang ba honey? (yun ay kung may buhay ka pa 10 mins after mo sabihin to)
g. ............................. (share your own palusot here mga brod)

IMMORAL LESSON: hindi masama ang maging boy scout basta laging tandaan i-apply ang ikalabing isang utos palagi, HUWAG KANG PAHUHULI.. at kung gusto mong tumagal ang buhay mo, i-apply ang ikalabingdalawang utos, HUWAG KANG AAMIN!! Magkapitpitan na ng bayag parekoy, wag na wag kang aamin!!


pektyur galing kay pareng gogol

11.4.10

in pursuit of happYness… magkano ka?


kung ikaw ang aking tatanungin, magkano ang halagang kailangan mo para maging masaya ka?

kasi tingnan mong mabuti , ano bang dahilan ng maraming taon ng pag-aaral mo? Para magkaroon ng magandang trabaho at maayos na kinabukasan di ba?

ano bang dahilan ng pagtyatyaga mo sa araw araw mong pakikipagsiksikan sa mrt? sa pakikipaghabulan sa mga bus? sa pagtitiis ng nakakakabagot na trapik? Sa pagtitimpi sa topak ng boss mo, sa mga tsismosa at inggitera mong mga kaopisina, sa paghihintay ng nakakabatong pagdating ng akinse at katapusan?
di ba isa na dun ang para kumita ng pera? para?....

pang-tuition ni utol, pambili ng gatas ni bunso, pambili ng alak ni tatay at ng kanyang mga dabarkads na sunog baga, pang mahjong ni nanay, pambili ng mga pangkiri ni ate, pambili ng diaper ng anak ni kuya na sa akin pa rin laging nakaasa, renta sa bahay, pambayad sa kuryente, tubig, lotto, bigas, ulam, yosi at kung ano ano pa…

ilan lang yang mga nabanggit ko sa posibleng pagkagastusan mo ng sahod na pinaka inaabang abangan tuwing akinse at katapusan.. teka, may natira pa ba? o abonado ka pa? wala ka bang nakalimutang utang na di pa rin nababayaran? hayyy… next sahod na lang kamo, bitin e! kahit nga isang pirasong medyas o bagong brief di ka man lang nakabili para sa iyong sarili.. tsk!

mistulang isang cycle na lang ang ganito sa mas nakararaming ordinaryong manggagawang pilipino, yun tipong halos wala nang maitabi para sa mga emergency na pangangailangan.. paulit-ulit lang, nakakabagot ang ganitong klaseng buhay, tanging pag-asa na lang natin ay isang araw giginhawa din tayo, maayos din ang lahat, magiging masaya din..

o sige, yung tanong ko ulit sa taas, magkano nga ang kailangan mo para lang maging masaya ka na?

isama mo na sa kwenta ang lahat ng pagkakautang mo, lahat ng mga kapamilya at kamag-anak mo na gusto mong maambunan, lahat ng gusto mong bilhin na pinagsisikapan mo pa ring pagipunan hanggang sa ngayon—pangcollege ng anak mo, magandang bahay, magarang kotse, bumili ka na rin ng maganda at seksing asawa (yung pipi para wala kang problema na magiging bungangera sya in the long run). ngayon, magkano?

tingin mo ba kung masolusyonan sa isang iglap ang problema mo sa pera e magiging masaya ka na? contented? may peace of mind? Mahirap yatang sabihing oo ano?

obserbasyon ko lang, tila hindi maaring gawing sukatan ng happiness ang laki ng sweldo ng isang tao, rangya ng bahay, gara ng kotse, ganda ng asawa, lawak ng lupain, posisyon at kapangyarihan sa lipunan, at kapal ng bulsa.

kung gayon... ano ba ang totoong makakapagpasaya sayo?


pektyur mula kay pareng gogol

3.4.10

Friends??


“Hoy! Gago ka! Alam ko ikaw yan! I-add mo ako now na! Kung hindi, irereport kita as spam!”


Yan.. ganyan man lang sana na message pwede na rin.. kahit masakit sa tenga ok na rin… kaysa naman basta na lang ako makakareceive ng mga friend requests na blangko. Blangko, walang message man lang. Blangko kasi pati mukha e di ko maalala kung magkakilala nga ba talaga kami..


Or else, mag send ka ng friend request e add ka naman man lang ng message, pakilala man lang kaya no? kung natapakan ko ba luya mo sa paa habang nagmamadali ako? Kung tinakbuhan ba kita matapos kung tumuhog tuhog ng tinda mong calamares at fish ball? Kung itinakbo ko ba yung pusta nyo sa basketball? Kung nai-table ba kita isang gabi tas di kita binilhan ng LD at nagshare lang tayo sa bote ko? Yung mga tipong ganun?


Kahit panget pakinggan, Oks na rin kahit paano. Di yung bigla na lang poooff!! Coco crunch!
Di ko maintindihan ang mga friend requests na bigla na lang sumusulpot na parang kabute from out of nowhere, ang tinutukoy ko dito e yung sa FB, FS at kung san san pang social networking sites.
Ubos oras kaya na magbulatlat pa ako ng lahat ng pektyurs mo at pakatitigan hanggang sa magkandaduling ako para lang maalala kung san tayo nagkakilala. E mabuti sana kung matalas ang memorya ko, madali lang sana kitang maalala. E kaso nga hindi, utak ipis lang ako sensya na!
Tapos, matapos akong pahirapan kakabulatlat e di ko talaga maalala kung kilala ko ba sya. Or konektado ba kami in any way.


Haaisssss! Maano bang magpakilala na, “hi, number one fan mo ako” o kaya “stalker mo rin ako.. pls add me!”


No offense, but ako kasi kaya ako nagpapadala lang ng friend requests e para sa re-connection ko dun sa tao, na kakilala ko. Marami pa akong gustong makareconnect, gaya nung mga:


-mga dating kaibigan ko nung elementary pa ako; sila yung mga pinapanood ko habang nagcha-chinese garter, yung mga nakasama kong napaluhod sa bilao ng munggo, yung kasama ko pagpapaanod ng tsinelas sa tubig baha


- mga kaklase ko nung day care, yung mga tumawa sa akin kasi pipilay pilay ako dahil baligtad pala ang pagkakasuot ko ng aking sapatos


-yung batang babae na nabasagan ko ng kanyang gitarang bandoria kasi tinamaan ko ng volley ball pagspike ko ng ubod lakas! Nyay! Lagot ako!


-of course yung mga high school friends na kasama ko sa lahat ng kalokohan; vandalizing sa cr at sa mga upuan, pamboboso sa ilalim ng lumang main building; pagiging “friendly” sa mga classmates naming super hot! cutting classes para kumain sa canteen, pagpapaiyak ng substitute teachers (churi! Hehe), pangongolekta ng locknut at washers ng mga upuan wahehehe!


-yung mga importanteng tao na naging bahagi ng buhay ko syempre, yung seyoso at matured na buhay hehehe!


-mga bagong taong interesante


Nag-iinarte? Oo, suplado na kung suplado. Pero di ko kasi ugali na basta mag-add lang nang mag-add… tapos di ko naman kilala… ano yun pamparami lang?


Nga pala, may isa pa… pasintabi lang po…


No offense meant, di naman siguro masama na maging friends pa ulit kayo ng ex mo di ba? After all may pinagsamahan din naman kayo… pero dapat siguro maging responsible, considerate din at sensitive kayo both, especially sa mga comments at reactions na ipino-post mo sa pages nya sa networking sites. Syempre meron at merong tao na masasagasaan at hindi agad makakaintindi kung bakit kelangan na may connection pa kayo ng ex mo.


Kasi kung bigla ka tanungin na bakit kelangan may communication pa kayo ulit, makakasagot ka ba kaagad? Sige nga, Bakit nga ba?


And kung i-delete ka sa account nya, alam mo na yung ibig sabihin nun...


tabi-tabi po...






27.9.09

wan.. tu.. tri... say seexxxx...


smile and the world smiles with you..

mula sa paggulong gulong, pagtalbog talbog, pag-epal at pagtumbling sa ibat ibang mga kwarto dito sa blogosperyo medyo may ilan na rin akong nakilala, at nabasang mga posts. ibat ibang klase ng approach sa buhay, ibat ibang sigaw… ibat ibang paraan ng paglalabas ng saloobin.. merong iba na nakakapagpataas ng kilay at nakapanlalaki ng aking mga mata…

pero syempre alangan naman pakialaman ko sila sa mga posts nila… as if naman na napakagaling kong magsulat ng WALA? at saka blog nila yun e! baka mamaya nyan, masabihan pa ako ng “keber mo??” o kaya “walangbasagan ng trip!”… kaya nga apply ko na lang ulet ang walang kamatayang “do not talk when your mouth is full… of shit!”

obserbasyon ko lang, kung may sense ang idinadakdak mo sa blog mo, siguradong maraming interesadong magbasa neto… malamang masarap ang palitan ng komento at kuro-kuro at kahit cbox mo ay magbabaga sa mga gustong maki-epal sa post mo.

kung puro emo at senti ka sa blog mo, meron ilan lang na makikiusyuso lang at meron din naman na handang makinig sayo. Pero ang totoo, nakakasawa din naman na puro negative energies na lang ang napupulot mo di ba?

kasi ako din naman, kaya ako tumatalon talon sa iba ibang kwarto e para malibang at mapangiti.. hindi para lalong ma-down.. ewan ko lang kung may mga taong sadyang masochist na gustong gustong nasasaktan ang sarili nila … at kahit naman hindi karelate-relate yung sitwasyong pinagdadaanan nila e pilit nakikirelate sa nababasa nila! (hahaha! may ganun ba talagang klase ng tao?lol)

kung temang mga suicidal naman ang post mo, tiyak maraming eepal at makikiawat sayo… at yun ang masarap… katulad din ng pakikipagbasagan ng muka sa kanto, hindi ito masarap kung walang umaawat o pumipigil sayo.

kung temang berde o minimal na kahalayan, usually medyo patok yan. basta lang di masyadong bulgar or bastos. pero depende rin syempre sa nagbabasa yan at sa paraan ng iyong pagkakalarawan. pero ako, aminado ako na nakikiliti ang imahinasyon ko sa mga ganun klaseng posts… e para ano pa na “an indecent mind” ako di ba? LOL

all time favorite pa rin ng marami sa atin ang mga patawang post. pwedeng paglalarawan ng mga nakakatawang pangyayari sa araw araw na buhay, mga di pangkaraniwang pagkakataon, mga nilulumot na at hinalungkat sa baul na mga jokes (pero di mo pa rin maiwasan mangiti kapag nabasa mo ulit), mga nakakatawang pektyurs, mga pasaway na pabobong linya, at kung ano ano pa…

at syempre, andyan pa rin ang pangangampanya sa cbox ng kung sino sino para may bumasa ng bagong entry… (ooppsss… bato bato sa langit…) pero di ko trip to…

pero, what the heck! walang pakialamanan… kanya kanyang blog , kanya kanyang trip… as long as wala akong nasasagasaan na kahit na sino, i will maintain my freedom of speech and expression.. hanggat akoy natatawa, nadadarang, nasasaktan, at nalilibugan, isusulat ko lahat yun… “keber mo??” (pahiram ulit!)..pasalamat pa rin ako… dahil dun alam kong normal na tao pa rin ako, may emosyon.

smile, and the world smiles with you… simple lang, tawa lang tayo. lahat ng bagay kahit gaano kabigat, may solusyon. always think positive, and you’ll see..

para po sa mga walang sawang pabalik balik sa kwartong ito, sa mga naligaw, sa mga sumisilip at hindi nagpaparamdam man lang, sa mga tahimik na komento, sa mga nagbibigay ng saloobin, sa mga nagtaas ng kilay, sa mga natawa at nakaramdam ng kalungkutan.. maraming salamat po at mabuhay po kayo!

8.4.09

my ex-gf’s wedding


“hindi lungkot o takot ang mahirap sa pagiisa, kundi ang pagtanggap na sa bilyon-bilyong tao sa mundo, wala man lang nakipaglaban upang makasama ka.” -- bob ong

chuck: ”cgurado ka papakasal ka na sa kanya? mahl mo or gusto mo na lang mag-aswa?”
friend: “bwal mgtnong kc di q alam ang sgot….”
friend: “mahal q... di aq sure. hehehe”
friend: “mbaet nman cya. di aq ninaaway.”


eto ang eksaktong huling pag-uusap namin ng ex-gf ko mga ilang buwan na din ang nakalipas.
mula nang pumasok ang buwan ng abril, ngayon ko lang napagtanto kung ano nga ba talagang meron ngayong buwan na ‘to na palaging gumuguhit sa utak ko pero di ko maalala. buwan nga pala ng balak nilang pagpapakasal.


sa nabanggit nyang balak nilang pagpapakasal ng bf nya, bagamat matagal tagal na din silang dalawa, hindi ko pa rin napigilan na itanong kung sigurado na ba sya sa desisyon niya. sa kasalukuyang edad nya na 29, hindi naman ako nagtataka kung bakit nagmamadali na siyang mag-asawa. ngunit kung tutuusin, madami naming iba na nagpaparamdam sa kanya, pero di ko alam kung bakit ayaw nya ulit sumugal sa panibagong relasyon.








dahil sa hindi lang kaopisina, kaibigan o mga kamag-anak nya ang palaging umuurirat sa kanya kung kelan ba talaga sya lalagay sa buhay na (magulo) tahimik, (napilitan) napagdesisyunan na rin nya siguro ang bagay na ito. wala na nga siguro syang hinihintay… o di kaya, kung maghihintay pa rin sya o magpapatumpik-tumpik pa, baka abutan na sya ng “curfew” o di kaya ay maiwan ng huling byahe. totoo, nakakatakot ang tumandang mag-isa..


di kagaya naming mga lalake, maaari kaming pumili kung sino ang gusto naming makasama sa buhay. pero sa kinamulatan nating kulturang pilipino, kung saan lalaki ang nanliligaw, ang mga babae ay naghihintay lang ng darating sa buhay nila. pag marami, swerte, makakapamili sila. ngunit paano kung isa lang ang dumating? o wala? paano na?


tatanggapin mo na lang ba na siya yung taong ibinigay sayo ng nasa itaas o maghihintay ka pa ulit?


pero, hanggang kelan mo kaya kayang maghintay? at hanggang kelan ba dapat?







...." god determines who walks into your life. it is up to you to decide who you let walk away, who you let stay, and who you refuse to let go."....

6.4.09

himutok

hindi naging maganda ang umpisa ng araw ko ngayon..


habang lulan ako ng aming company shuttle bus, at may nakapasak na earphones sa aking tenga, wala akong kaalam-alam sa nangyayari… mula sa aking pagkakaidlip, naalimpungatan ako.. sa isang traffic light, isang saudi lokal ang nakikipagtalo sa isang bangladeshi, malamang gitgitan sa kalsada.. maya-maya pa bumalik yung arabo sa pick-up truck nya, kumuha ng isang tubong kalawangin na uno y medya ang bilog na may elbow sa dulo…


walang pakundangan niyang ipinagtulakan ang kalaban nya sabay hambalos ng tubong hawak nya dito. wala syang pakialam, san man nya ito tamaan sa bawat paghambalos na kanyang ginagawa.. napapangiwi ako sa tuwing tinatamaan ang bangladeshi… di ko alam ang pinag-ugatan ng kanilang pagtatalo.. ngunit gaya ng dati, hindi makapanlaban ang kalaban ng arabo.. alam kong alam din nyang tyak na may kalalagyan sya kung saka-sakali…


dito sa saudi, kahit yung arabo ang mali, mali ka pa rin sa katwiran nila. kahit maaksidente ka nila, kasalanan mo pa rin yun dahil sa kanilang pilosopo at di-makataong pangangatwiran, kung di ka nagpunta sa kanilang lugar, hindi ka nila maaaksidente.. at nakapanlulumong maraming pagkakataon na ang nangyaring ganito… ilan na nga bang pilipino ang nakulong na walang kasalanan? ilan na nga ba ang napugutan ng ulo? ang nalatigo? silang mga inosente… tsk!
**********
pera-pera na nga lang siguro kung bakit ako nandito ngayon sa lugar na ito.. sa kagustuhan kong iangat ang antas ng pamumuhay ko at ng aking pamilya, hinarap ko ang hirap at lungkot ng paglayo sa knila. at ang panganib ng buhay dito sa disyerto.


oo, tingin ko mas mahal ko ang pamilya ko kaysa sa sarili ko… dahil kung ako lang, kaya ko naming magtiis na hindi kumain ng masarap, kaya kong hindi mamasyal sa mall, kaya ko palang walang alak sa katawan, kaya ko palang magtrabaho ng minimum sampung oras sa loob ng isang araw, at mag-ot pa ng dagdag na tatlong oras at kalahati tatlong beses sa isang lingggo at pumasok pa rin ng kalahating araw ng byernes na sana ay araw na lang ng pahinga.. daig pa nga ako ni kuracha, ang babaeng lingo lang ang pahinga, ako kalahating araw lang ang pahinga..


hindi ako nagrereklamo, dahil pwede ko naman piliin na maging lantang gulay na lang sa loob ng aking kwarto, pero hindi ko ito ginagawa… sayang din kasi ang kikitain ko sa oras na ilalagi ko sa opisina.. tutal trabaho naman talga at kumita ng higit sa pang-araw araw na pangangailangan ang ipinunta ko dito, samantalahin na lang lahat ng pagkakataon…. saka na lng ako magpapakasarap sa pag-uwi ko sa pinas.. makita ko lng na kumakain ng maayos ang pamilya ko, at naibibgay ko lahat ng pangangailangan nila, sulit na lahat ng paghihirap ko dito.. malayo man ako sa kanila, sana maintindihan nila, para rin sa kanila ginagawa ko… hindi lang para sa akin..


kung noong dati, nung nakakapanood ako ng mga pelikulang patungkol sa pamilyang pilipino na kinailangan maghiwalay at isa sa mga magulang ang mangibang bayan, di ko noon maiwasang itanong sa aking sarili kung bakit kailangan pa nilang umalis?? pwede naman sigurong sa pinas na lang, hindi na kailangang lumayo..


noon, itinanim ko sa isip ko na sa pinas lang ako, hahanap ng mayos na trabaho, gugulin ang lahat ng oras sa aking pamilya, makita at masubaybayan ang anak ko sa paglaki.. pero ngayon, isa ako sa nagpasyang humanap ng magandang kapalaran dito sa ibang lupain, maayos na kapalarang di kayang ibigay ng aking sariling bansa. ngunit, di ko maialis sa aking isipan ang takot na pagdating ng panahon ay sa akin pa isumbat ng pamilya ko na sana ay hindi ko na lang sila ipinagpalit sa dolyar na kikitain ko dito.


mahirap kung sa mahirap.. pero hindi na ako naiinip masyado, natutunan ko na ring libangin ang aking sarili… at sa tulong na rin ng makabgong teknolohiya, hindi na ganun kalakas ang homesick..
**********

umalis ako noon, 3 buwan pa lang ang anak ko.. nagbalik ako kulang isang taon mula nung umalis ako, para gugulin ang dalawamput isang araw ng bakasyon na ibinigay sa akin.. magkahalong kaba, saya at pananabik, makakapiling ko na naman ang aking mga mahal sa buhay.


sa totoo lang, masakit makita na ang anak ko ay mas malapit pa sa ibang tao kaysa sa akin na sarili nyang ama. ako, na sinasakripisyo ang mga pansarili kong kaligayahan para sa kanya. ilang araw din ang inubos ko para lang magkalapit kaming dalawa, o matanggap nya kung bakit hindi lang siya ang pwedeng yumakap at humalik sa kanyang ina.. kung bakit may ibang lalaki na natutulog sa kanilang kama bukod sa kanya..


ilang tsokolate at laruan ang naubos ko para lang lumapit at sumama sya sa akin.. sa mura nyang isipan, sana lang hindi nya inakalang ako si santa claus noong panahong iyon ng kapaskuhan..


hanggang sa muling pagbalik ko dito, dala ko pa rin ang agam-agam kung ano kaya maging reaksyon nya sa susunod naming pagkikita, ilang buwan mula ngayon.. o kaya, paano ba ako ibibida ng anak ko sa pagdating ng panahon sa knyang mga kaibigan.. ipagmamalaki nya kaya ako o kamumuhian?


oo naman, gusto kong ako din ang magturo sa kanyang magbisikleta, magsaranggola, magbasketbol at mag-ayos at magkutingting ng kung ano-ano sa bahay….


haay buhay, puro himutok na lng ba? la na ba tlagang pag-asa ang pinas?? gaano katagal pa ang kailangang ipagtiis sa ibang bansa?


kung magiging maayos lang sana at may konting kasiguraduhan ang buhay sa pinas, hinding hindi ko iisipin ang umalis at mangibang bayan…
**********

wahahaha!! pagpasensyahan nyo na... naglalabas lang po ng sintemyento sa buhay..



LinkWithin

Related Posts with Thumbnails