ayan ka na naman.. ilang beses na nga ba tayong ganito nitong
mga nakaraang buwan?
Wag kang magtaka, naeenjoy ko lang naman ang mga pagkakataong
tahimik lang ako at hinahayaang dumaan ang panahon sa harapan ko. Hindi pa din
naman ako handang basta na lang iwan ka, mahirap din naman kasing basta na lang
talikuran ang isang kagaya mo.
Kase sa totoo lang ah, ikaw lang naman ang totoong handang
makinig sa lahat ng kaangasan at kayabangan ko. ikaw din naman ang isa sa mga dahilan
kung bakit umiinog nang marahan at sa tempong hindi nakakabagot ang aking
mundo. ikaw ang isang piping saksi na kahit papaano ay hindi lang puro walang
kawawaan ang madalas na namumutakti sa bibig ko-- may sense din naman ako
paminsan-minsan di ba? ikaw din ang nagpakilala sa akin sa mga taong madalas kong
kahalubilo sa ngayon..
Mula sa panandaliang paglayo, ika isang libo’t isang beses na yatang sinilip
kita sa tahimik at madilim na sulok mong kinalalagyan. tangan-tangan sa aking pasmadong
kamay ang munting lalagyanang bubog ng inuming nagbibigay ng gumuguhit na init
sa aking lalamunan.
Lumagok.. matamang tinitigan ang anyo mong dati ay masigla
at puno ng buhay..
Ngunit kagaya pa rin ng dati, hindi ko alam kung pano ako
magsisimula…
ganito na lang ako palagi, mataman ka lang pinagmamasdan, umaasa
at naghihintay na pasimple mong kindatan o kawayan man lang.. ang muli mong
anyayahan na ako ay magbigay ng aliw o ikaw ang magpaunlak sa aking hanap.. isang
uri ng pagsasalong sa wari ko ay di naman na lingid sa mata ng marami..
ngunit ngayong sandaling ito ay walang pagkakaiba sa
nagdaang mga araw, paulit ulit na lang na bigo ako.
Nawala na nga bang tuluyan ang
mga mahaliparot kong pangangantyaw sayo. Ewan ko ba, napaglipasan na ata ako ng
panahon o sadyang hanggang dun lang ang kaya ko? o talagang nasasabaw na lang
ako ngayon sa tuwing kaharap ka?
Hindi ko alam kung nagsasawa ba ako na palaging andyan ka
lang o sadyang gusto ko lang ng kaunting katahimikan. Siguro nga hinahanap hanap ko na rin yung excitement gaya ng dati, tulad ng paglalaway ko sa manggang
maasim na may bagoong, kapag di kita nabibisita at nakakausap. Yung parang
hayskul na kakabog ang dibdib sa tuwing maguumpisa na akong lulunurin ng mga
imahinasyon ko at hindi mapakali pag di ito naikwento sayo.
pero alam kong isang
araw ay mababalik ang dati nating samahan -- gaya ng dati.. yung walang ubos ang
mga walang kwenta nating kwentuhan. Yung tawanan na parang wala nang bukas..
lumilipas ang lahat… kumukupas..
pero gaya ng pagmamahal natin sa isang lumang awitin na na may kapangyarihang makapagpabalik ng masasayang alaala, sa isang lumang kaibigan na hindi nakakausap pero palaging andyan lang, sa isang gutay-gutay ngunit mas kumportableng sneakers, sa isang
paboritong maong na kupas, sa nagiisang maginhawa at gula-gulanit na t-shirt pantulog, sa pambahay na
tsinelas na pilit hahagilapin ng mga paang pagal.
Sadyang may mga bagay na nagdudulot ng kakaibang ginhawa sa
atin na mahirap ipagpalit o basta na lang kalimutan. Hahanapin at babalikan pa rin natin
iyon isang araw.
Gaya MO.
Babalik at babalik ako… muling hahabi ng mga pangungusap na walang
kawawaan..
mamaya.. bukas.. sa makalawa…
sa muling pakikipagkumpetensya ng aking diwa sa aking pagtipa.
an_indecent_mind