Mula sa aking pagkakahimlay at pagmumuni-muni ng ilang saglit, ako’y muling nagbabalik upang bulabugin ang inyong mundo. Merong ilan na walang sawang bumisita at sumilip dito sa aking kwarto habang ako ay nasa aking katahimikan, maraming maraming salamat sa inyo.
Hndi totoong tinamaan ako ng tulo o ng anumang STD kaya ako ay pansamantalang nawala at nanahimik, dahil ang totoo nyan as of the latest count (and still counting) of 171 days and 8 hours ay di pa rin ako nadevirginized.
Wala ring katotohanan na natanggal ako sa trabaho sa kadahilanang nahuli akong nakapasok ang ulo sa drawer habang pasimpleng natutulog dahil sa sobrang puyatan sa gimik at nightlife. Di po totoo yun, dahil wala naman akong gimik dito, wala ring nightlife at isa pa, malaki ang ulo ko di kakasya sa drawer!
Ang totoo nyan ay naging napakaabala ko sa trabaho.. huh?? Ako ba ito??!! Hahaha!! Anyway, nakalagpas na ako sa aking kalbaryo… so ang kasunod kong itinerary ay mag-housekeeping sa magulo at makalat kong mesa na mas magulo pa yata kaysa sa utak ko…
Isa pa, may nahuli akong maamo at napakagandang paru-paro… at naging abala talaga ako sa pag-aalaga neto.. Medyo nahihirapan lang ako kasi di naman talaga ako marunong mag-alaga ng paruparo.. di ko man lang alam kung ano ba ang pinapakain sa kanila (hmmm… kumakain kaya sila ng mais?? LOL) medyo pinag-aaralan ko pa din ang kanyang mga kilos, pero medyo nagkakaintindihan na din naman kami kahit papaano..
Sa loob ng ilang araw ng samut saring pinagkakaabalahan ko, meron din naman akong ilang natutunan at napatunayan at nais ko sanang ibahagi sa inyo..
1. ang pag-ibig pala ay may expiration date. Para lang itong sale item sa hypermarket, pag ini-offer ngayon kelangan mo nang hawakan at bilihin ito. Dahil kung hindi, may ibang dadampot o bukas e regular price na ulit.
2. Ibat iba ang mukha ng tao. Hindi porke marami ka nang pinagdaanan sa buhay ay kilala mo na lahat ng makakasalamuha mo. Mag-obserba, panatilihing bukas ang mga mata.
3. Hindi lahat ng mukhang bagong ligo ay mabango.
4. Wag na wag magapapadala sa mapanlinlang na itsura. Wag sukatin ang tao sa kanyang panlabas na anyo.
5. Walang ibang tao ang makapagsasabi kung anong klaseng tao ka. Pag humarap ka sa kanila, para ka lang humarap sa isang malabong salamin. Ikaw lang ang totoong nakakakilala sa sarili mo. Wag basta basta maniniwala sa kung anumang sinasabi nila. Humingi ng payo, makinig, mag-analisa at sundin ang sariling pag-iisip.
6. Oo nga, hindi lahat ng matalino ay magaling at hindi naman lahat ng magaling ay matalino.
7. Tumawa ka kung may problema. Totoo, nakakagaan ng dibdib, pero tandaan hindi nito mareresolba ang anumang dinadala mo.
8. Kung hindi ka handang matalo, wag ka na nga namang makipagtalo. Gayundin, mahirap makipagtalo sa taong ayaw magpapatalo. Piliing mabuti kung kanino ka makikipagtalo.
9. Bawasan ang pagiging sweet at masyadong malandi, hindi maganda sa kalusugan.
10. Ingatan ang sarili. Lalo na ang sariling katinuan. Iwasan ang pag-iisip sa mga problemang mahirap solusyunan.
11. Matulog nang marami hanggat may pagkakataon ka. Pag dumating sayo ang problema, tiyak kong hindi ka na makakatulog.
12. Magdesisyon ayon lang sa iyong kapasidad. Huwag nang pilitin kung alam mo namang hindi mo kaya.
13. Panatilihing may silbi ang utak. Binigyan ka nito para gamitin hindi para lang maging palaman sa ulo.
14. Huwag magbigay kung wala namang maibibigay. Huwag din humingi ng anuman na wala namang mapaggagamitan. Huwag ituring na junk shop ang buhay, gugulo lang at magiging makalat.
15. Oo, tama. Huwag magagalit at sasama ang loob kung ayaw sayo ng taong mahal mo. Malamang bukas ay ayaw mo na din sa kanya, naunahan ka lang.
16. Oo, wag na wag kang magrereklamo kung hindi ka mahal ng mahal mo. Kasi may mga tao rin na di mo mahal pero mahal ka.. Kaya quits lang.
17. Kung di ka masaya sa ginagawa mo simple lang ang solusyon, wag mo nang gawin ito. Pwede din namang magtiis wag lang magpapakatanga.
18. Hindi lahat ng biro ay nakakatawa.
19. Sa mga mahal mo sa buhay, pwede kang magpayo. Ipakita ang tama at mali at ang consequences. Pero wag na wag mong ipilit ang payo mo kahit na alam mong tama ito. May sarili silang buhay, wala kang karapatang magdesisyon para sa kanila.
20. Kapag sinabi sa yo na “wag kang kikibo ako ang hihipo” wag kang mag-isip ng bastos, maaring iba ang pakahulugan nyan… pakaisipin mong para na ring sinabi sa yo na “hayaan mong mahalin kita sa paraang alam ko”.
Sa lahat ng mga tinamaan at naka-relate, magpakatotoo!
Muli, maraming salamat sa lahat ng walang sawang dumalaw! LOL