pektyur pektyur! ismayl!!!!

9.5.09

Ugoy ng duyan

Nanay,


At dahil nga mother’s day, at kahit na nga feeling malambing ako sa’yo e hindi naman ako very vocal sa words na “I love you”, samantalahin ko na lang ang pambihirang pagkakataon na maibida kita kahit man lang dito sa blog ko.
Una, ibig kong magpasalamat sa Diyos na ikaw ang napili nyang maging aking ina.


Oo nga’t hindi ako lumaki sa marangyang pamumuhay pero hindi ibig sabihin nun ay I am a lesser man. Hindi man tayo biniyayaan noon ng limpak-limpak na salapi(e di sana araw-araw tayong nagma-malling di ba?), ngunit hindi ko naman matatawaran ang kagandahang asal na ipinamulat mo sa akin. Yung matutong magtyaga sa simpleng pamumuhay.

Masarap kumain noon, namulat ako na kadalasan e isang putahe lang ang ulam na nakahain. Yung tig-iisang piraso lang tayong lima ng pritong longganisa, kelangan talagang tipirin ang malasa at mabangong ulam sa isang bunton ng kanin sa plato. Oo, may solusyon tayo dun; sabawan ng maraming mapulang mantika na pinagprituhan ng longganisa at budburan ng asin, sarap! E yung all-time favorite natin na isang tali ng ginataang pinangat na laing at may kakumbinasyong pritong tuyo? Di ba ansarap ng pagsubo natin noon? Sabayan lang nang kwentuhang katatakutan kapag hapunan, tiyak kawawa ang nakatokang maghugas ng pinggan!

Pasensya ka na lang po sana kung lumaking maaarte itong mga bunso kong kapatid, at kung masyado na silang mapili sa ulam na nakahain. Siguro nga hindi na nila naaalala kung saang klase ng pagkain sila lumaki. O dahil alam lang nilang may pagpipilian na sila anumang oras? Hindi kagaya natin dati.

Kagaya ni pareng jose (rizal), lumaki din ako sa matyagang patnubay at pagtuturo ng aking ina. Ngunit hindi man ako kasing talino ni pareng jose, alam ko naman na sa bawat yapak ko sa eskwelahan at sa bawat pagtatagumpay ko andun ka lagi at tahimik na natutuwa at nakasuporta sa akin. Wag ka pong mag-alala, dahil kahit hindi pa man sikat ang pangalan ko sa buong Pilipinas sa ngayon, bayani na rin ang turing nila sa akin… dahil kami daw ang mga “Bagong Bayani”. O di ba? Dapat masaya ka at ipagmalaki ang sarili mo dahil may anak kang isang Bayani!

Ganun din, sa lahat ng tinahak kong landasin, alam ko na nakasuporta ka palagi sa akin… at sa bawat sandaling pilit kong pinaglalabanan ang takot at pangamba, biglang lumalakas ang aking loob na sa bawat paglingon ko ay nandun ka at handang umalalay sa akin anumang oras. Sapat na po iyon upang ipagpatuloy ko ang anumang nasimulan ko. Kahit hindi ka magsalita, malaking bagay sa akin ang maramdaman kong andyan ka lang lagi sa likuran ko.

Dinadaan ko lang dati sa biro, pero totoo yun naiinggit ako sa mga kapatid ko, kasi sila nakaranas na masamahan mo pag enrollment day… pero ako, siguro grade one mo lang ako sinamahan noon… at hindi na yun naulit noong mga sumunod na taon… naisip ko mababaw pala ako, dahil ngayon ko lng narealize na habang bata pa lang pala ako, tinuturuan mo na akong gamitin ang aking common sense at maging independent.

Alam ko, nananabik ka na rin sa mga paglalambing ko sayo, yung mga simpleng pagsama ko sayo sa pamamalengke para ipagbuhat ka ng basket, yung pagpapabunot mo sa akin ng mga puti mong buhok pagkatapos nating kumain ng tanghalian at yung paminsan minsang panlilibre ko sa iyo kapag araw ng sweldo.

Kung bakit kasi itong mga kapatid ko e hindi ganun kalapit sayo… pero kunsabagay, nung ganyang edad naman ako e mas malapit din ako sa barkada ko kaysa sa yo.. Hindi lang talaga kasi maiiwasan na magkalayo tayo, alam mo naman na kelangan kong kumayod sa malayo para na rin makabawi bawi ako sayo kahit konti man lang.

Kasi nga, hindi lang naman para sa akin ito, para sa yo na rin ito, dahil kung ako ang papipiliin, ayoko naman talaga na lumayo. Di hamak naman na mas masarap kang magluto kaysa dito sa cook namin! Ewan ko ba, kung paano mo nagagawa yun… kahit simpleng putahe lang e alam na alam mo ang panlasa ko… Samantalang itong cook namin, kung ano-ano niluluto, samantalang ikaw alam na alam mong kahit sa pritong galunggong lang ay makakaya ko nang umubos ng isang kalderong kanin.

Oo naman, kahit matanda na po ako at nakakatayo na sa sarili kong mga paa, nami-miss ko pa rin naman ang mga pag-aalaga mo sa akin.

Ihihingi ko na rin po ng paumanhin lahat ng kakulitan ko noon; yung walang sawa mong paghabol sa akin noong bata pa ako para lang maghugas ng mga paa ko na sabi mo nga e parang paa na ng kalabaw sa sobrang kapal ng alikabok na kumapit dahil sa maghapong paglalaro sa kung saan-saan. Yung kahit alam kong nanggigigil ka na sa akin sa sobrang inis e hindi mo pa rin nagawang pagbuhatan ako ng kamay. Alam ko po naman lahat yun.

Alam na alam ko din yung mga bagay na ikagagalit mo noong bata pa ako, una na yung paghingi-hingi ng pera sa tuwing makakasalubong kita sa kalsada. Hindi ko masyado maalala kung bakit, pero okey lang, wala naman akong nakikitang masama dun kung ipagbawal mo. Basta ang alam ko lang minana mo pa yun sa lolo ko.

Ipagpaumanhin mo na rin po sana yung ilang pagkakataon na alam kong ikinasama mo talaga ng loob, at ilang araw mo din akong hindi kinikibo… Lalo na yung ilang gabi na pag-uwi ko ng madaling araw at kung minsan ay walang paalam kong hindi pag-uwi sa gabi.

Oo nga po, ngayon ay alam ko nang totoo palang napupuyat ka din at hindi mahimbingan sa pagtulog sa paghihintay sa aming pag-uwi hanggang makumpleto kaming magkakapatid sa aming mga kwarto. Salamat po at pasensya na. Wag kayong mag-aala, binibilinan ko rin naman itong mga pasaway kong kapatid.

Nga pala, alam kong hanggang ngayon ay natatawa ka pa rin sa tuwing naalala mo yung time na hindi mo ako kinikibo kasi nga may nagawa na naman akong mali. Nakagalitan mo pa ako nung umagang yun dahil alas singko pa lang e wala na agad ako sa higaan. Hindi ko malilimutan kung paano napalitan ng malaking malaking ngiti yung pagkabwisit mo nung umagang yun, nung iabot ko sayo yung isang dosenang pulang pulang rosas na dali-dali kong binili sa palengke dahil nga akala ko e birthday mo na, pero nagkamali ako dahil sa susunod na buwan pa pala! Oo, napatawa talaga kita nun! At maghapon mo akong inaalaska!

Walang hanggan ang pasasalamat ko sa pagmamahal na ibinibigay mo sa akin -- sa amin. At walang katapusan ang aking dahilan kung bakit kita mahal. At kung maaari man na maibalik ang kahapon at papipiliin ako ng magiging ina? Isandaan at isang porsyento, ikaw at ikaw pa rin ulit ang pipiliin ko.. dahil WALA KANG KATULAD.

Nanay, Happy mother’s day po. Mahal na mahal kita.


12 comments:

  1. isa lang masasabi ko..

    nakaka touch :)

    ReplyDelete
  2. hello kalyo galera!

    salamat sa pagdaan, ngayon ka lang ulit bumisita dito ahh?? welcome back!

    ReplyDelete
  3. punas lang ako ng luha :D happy mother's day sa iyong inay pre..

    ReplyDelete
  4. Happy Mother's day sa iyong ina. Nakakatats. lols.

    ReplyDelete
  5. kakatats naman nun, fave ko rin po ang tuyo na may ksamang noodles...hapi mothers day...

    ReplyDelete
  6. salamat sa mga nagtyagang magbasa at sa mga natats ko...

    sana mga minsan matats nyo din ako...

    wehehehe!!

    ReplyDelete
  7. hay.. sobrang relate ako.. d best talaga mga nanay natin!

    ReplyDelete
  8. hey,

    it was a cute post :D

    tribute kay ina hehe. Ü

    ReplyDelete
  9. I admire your love to your mom indi...nakakatouch.. :)

    ReplyDelete
  10. parang kanina lang tinatanong kita kung close ka sa mama mo. at heto't nahalungkat ko ngayon sa baul ng mataba mong utak ang katotohanan. pa-hug nga :D

    ReplyDelete
  11. ang sweeeeeeet naman ng batang ito sa nanay nya!!! 1 month advance pabirthday na isang dosenang flowers!!!! =P

    ReplyDelete

huwag ka nang mahiya, isigaw mo yan!

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails