Tawanan tayo ng tawanan. Scrabble, sudoku, panay ang pakwela ko, sige naman ang tawa mo sa mga corny kong jokes. Sa bawat hagikhik mo, na musika sa aking pandinig, may kasabay itong pagtapik sa hita ko, sa balikat, sa kamay, lalo naman akong ginaganahan, lalo akong nagiging corny pero sige lang, bungisngis ka pa rin. Nakatingin lang sa atin ang mga kaibigan mo, nagtataka marahil sa ting dalawa, dahil mukang may kakaiba. Pero siguro ayaw nilang bigyan ng anumang malisya.
Alas onse na ng gabi pero maliwanag pa?? may araw pa?? pero kelangan na nating umuwi, baka mapagalitan ka na ni Donya Adelaida -- ang iyong ina. kaninong kotse ba tong sinasakyan natin? Di to sa akin, di din sa yo, di din sa dalawa mo pang kaibigan.. e sino ba tong driver natin? di ko makilala ang mukha.. baka san tayo dalhin nito? “easy ka lang, wag kang masyadong paranoid dyan ok?” sabay pisil mo sa kamay ko. Kumalma naman ako, pero iniisip ko kung para san ang pisil na yun.
Pagod na ako, mabigat ang mata, gusto kong umidlip habang nagbyabyahe tayo pero ayaw ko yatang matulog. Nageenjoy ako sa mga tawa mo, nageenjoy ako sa siksikang pwesto natin dito sa hulihang upuan ng kotseng ito. Teka, bakante naman ang upuan sa unahan, pero bakit tayo nagpipilit umupo dito sa hulihan? Ayokong itanong yan, kasi nageenjoy naman ako sa magkadikit nating mga katawan. Para tayong kambal tuko, para tayong sardinas na walang sarsa, para na tayong magkaakap sa sobrang dikit, para tayong may relasyon – pero wala, hindi.
Naglalakad tayo sa dilim, panay ang kapit mo sa akin, sige ang alalay ko sayo. “gentleman ka pala huh?” ngiti lang ako, pero may pumintig sa pagkatao ko nung sinabi mo iyon – ang aking puso. Bigla tuloy, parang gusto kong makasalubong ng mga lasing na tambay, yung mga bastos -- ipagtatanggol kita. Makikipagbasagan ako ng bungo para sayo, magpapakamatay para sayo, para masabi mong kaya kitang ipagtanggol. At matapos mawasak ang mukha ko, aalalayan mo ako at gagamutin ang mga sugat at pasa ko, sa puntong iyon, parang pelikula, magtatama ang ating mga paningin, na tila may isang malakas na magnetong humahatak sa ating mga labi, unti unti, tatahimik ang buong paligid habang papalapit ang ating mga mukha sa isa't isa, tanging mga kalabog lang ng ating mga puso ang maririnig, dahan dahan, papalapit nang papalapit, dahan dahan… pero walang ganyang pangyayari.. kasi nga walang mga lasing na tambay… badtrip!
Inihatid natin ang mga kaibigan mo sa mga bahay nila. Alas dos na pala ng umaga? bakit andami pa ring tao sa kalsada? Anong meron? Lumiko tayo malapit sa inyo, nagkadikit muli ang ating mga kamay, hinawakan mo ang kamay ko at pinisil. Napatingin ako sayo, gusto kong magtanong kung anong ibig sabihin nun, gusto kitang hatakin sa dilim… pero huwag, wholesome dapat ako! at hindi dapat masira ang mgandang gabing ito..
Nakita natin sa kanto ang adviser ko nung 4th year hiskul ako, nagulat sya na magkasama tayo, nagulat sya na magkahawak ang ating mga kamay. nagulat sya at nagtanong sya kung tayo daw ba? nagulat ako bakit kilala ka nya, nagulat ako bakit andun sya e di naman sya dun nakatira, nagulat ako bakit alas dos na ng umaga e may matanda pang kagaya nya na nakatambay pa sa labas??
Biglang nagkagulo, may nakita tayong mga liwanag mula sa kalangitan… UFO! aliens! laser beams! ingay ng mga kanyon! huh?? pamilyar sa kin yun ah??! Di ba sila ang mga karakter sa larong “madness” sa cp ko? Madami nang patay na aliens, wala silang magawa sa nakasetup na mga kanyon at laser beams. May isa na lang natitirang malaking alien, Reyna nila siguro yun. Nakita nya ang mga high-tension wires sa isang substation. Binabatak nya ang mga ito at nagblackout sa buong lugar. Nagkagulo na, nagsigawan. Bigla kang nagtanong, "Pano ba gumagana ang kuryente? Pano ba nagkakakuryente?" "Ehem! Genius ako dyan, pagkakataon ko nang maging matalino sa paningin mo. umpisahan natin sa rotor at stator gusto mo?" Sabi mo sa eksplanasyon lang na maiintindihan mo. Andami kong nasabi, capacitors transformers, battery, power grid, substations, towers, pansit pansitan na ninanakaw at ginagawang stainless na planggana at kaserola… pero di ko lam kung may nainitindihan ka, tumango ka lang pero di ka na ulit nagtanong.
Nakarating tayo sa mansyon nyo, tulog pa ata si Donya Adelaida, katulong nyong pupungas pungas pa ang nagbukas ng gate nyo..
Tahimik ang paligid, may konting liwanag lang na bumabalot sa atin mula sa poste sa tapat ng gate nyo... umakap ka sa akin.. matagal, mahigpit, ramdam ko ang tibok ng puso mo, ramdam ko ang init ng katawan mo, nakasubsob ka lang sa dibdib ko. Tingin ko ayaw mo nang matapos ang gabi. Hinawakan ko ang baba mo, itinaas ito at hinagilap ang mata mo, nagtatanong ang aking mga mata. Tahimik ka lang, nakatitig sa kin, naghihintay ng mga susunod na pangyayari.. bahala na, lalakasan ko na ang loob ko… eto na to…. pinikit ko na rin ang aking mga mata, sa tantya ko e kulang sa isang dangkal na lang ang pagitan ng ating mga labi.. ramdam ko na ang init ng iyong hininga….
Nang biglang… BLAAAGGG!!!
May kumalabog! Bigla akong nagising!!!
Poteekk! Badtrip!!!!
----
Nonsense na post to.. pero gusto ko lang idokumento ito dito, madalas kasing magkatotoo ang mga panaginip ko.. weird no? pero totoo.. maybe months or years from now, babalikan ko tong post na to.. and iconfirm kung alin ang mga nagkakatotoo.. na hindi sya dejavu pero panaginip lang dati.
yung aliens? Hehe! Produkto na lang siguro ng subconsciuous mind ko epekto ng sobrang kakalaro kaya nahalo na pati sa panaginip ko..
an_indecent_mind
pektyur ninakaw mula sa flickr.com