Butil butil na ang pawis mo sa noo, pati panyo mo basang basa na dahil sa pawisan mong mga kamay, nanginginig pa ang mga tuhod mo, mga kabog sa iyong dibdib na daig pa ang mga kabayong nagstampede! Nawala na din ang mga litanyang paulit ulit mong prinaktis ng makailang ulit sa harap ng salamin. Sayang naman ang japorms mo, antagal mo pa naman inipon ang perang ipinambili mo ng terno. Mas nagmukha ka na ngang tao ngayon, ano pang ipinag-aalala mo? Antagal mo nang binalak na sya ay lapitan upang magpakilala pero wala kinakain ka lagi ng mga daga na namahay na sa iyong dibdib, nagkakasya ka na lang sa pagpasok ng sobrang aga sa araw araw para makasabay mo sya sa MRT at sa inyong elevator. Gagahibla na lang ang pwersang nagtutulak sa iyo upang ituloy ang matagal mo nang binabalak.. Tamang tama sana ang party na to, matagal mo tong binalak at pinag-ipunan.. ilang tugtog na ba ang iyong pinalagpas? ilang officemate mo na ang nakasingit at naisayaw sya? dapat ikaw na.. ngayon na, pagkakataon mo na syang lapitan…
wala nang ibang pagkakataon, ngayon na. wala na bukas…
Ang ating buhay daw ay isang napakalaking pagkakataon. Ang bawat nagdadaang araw sa iyong buhay ay isang pagsubok, isang hamon para patunayan ang iyong kakayahan, maging kakaiba, gumawa ng kakaiba, maging isang instrumento para sa ibang tao, isang pagkakataon para tuparin ang iyong mga mithiin sa buhay, isang pagkakataon upang patunayan ang tunay na kabuluhan ng iyong buhay sa mundo.
Pagkakataon. Patunayan. Ngayon.
Sapagkat di natin hawak ang ating buhay. Hiram lang, maaring bawiin kahit anong oras.
Maaaring ngayon ay humihigop ka lang ng mamahaling kape ng mga sosyal o kaya naman ay sinusulit ang unli mo o kaya naman ay pasimpleng petiks sa trabaho, pero walang ibang nakakaalam na maaaring ito na pala ang huling araw mo sa mundo. Yun, nasayang ang pagkakataon mo. Tingin mo kung mamamatay ka ngayon may napatunayan ka na ba sa sarili mo? Anong alaala naman ang maiiwan mo para maipagmalaki ka ng mga magulang mo o ng asawa at mga anak mong maiiwan? Hahayaan mo bang maging kagaya ka din ng iba na makalipas ang apatnapung araw ng pagpipighati sa iyong kamatayan ay tuwing bday mo na lang, araw ng kamatayan at araw ng mga patay kung ikaw ay maaalaala?
A time for later. Para sa mga bagay na hindi mo nagawa o nasabi.
Maigsi lang ang buhay. Ano pang hinihintay mo? Paano kung bigla ka na lang mawala sa mundo o bigla ka na lang di na magising bukas, ano pang magagawa mo?
Kelan mo pa ipapadama na mahal mo ang iyong mga magulang? Kelan mo sila papatawarin sa ginawa nilang pagpapalaki sa yo na di umaabot sa iyong pamantayan at sa pagmamahal na hindi nila naipakita o tuwirang naiparamdam sa yo? Di mo ba naisip na masyado lang silang naging okupado sa pagsisikap na maibigay ang lahat sayo? Tao din sila nagkakamali, walang perpektong magulang. Trial and error pa rin ang ginamit nila sa pagpapalaki sayo. Pagbali-baligtarin mo man ang mundo sila pa rin ang mga magulang mo. Wag mong asahan na sila pa ang maunang magpakumbaba at humingi ng tawad. Kung ikaw ang nakakakita ng mga mali, ikaw ang mas malawak ang pangunawa at alam mo kung nasaan ang butas, bakit hindi mo ito kusang takpan? Gaano ka ba talaga katigas? Hanggang kelan pa? marami ka pa bang oras? Baka pagsisihan mo lang yan at itangis. Magagawan naman siguro ng paraan. Pagisipan mong mabuti.
Para sa mga magkaibigan na pinaghiwalay ng magkaibang pananaw sa buhay. Dati rati ay walang kasing kulay ang inyong samahan. Wala kayong hindi pinagkakasunduan. Maaayos pa naman ang lahat. Maibabalik pa ang lahat. Hindi naman kelangan ng himala. Lunukin na ang pride, tanggapin na hindi sa lahat ng bagay ay magkakasundo kayo. Iisa man ang tinitibok ng puso nyo magkaiba pa rin ang takbo ng isip nyo dahil kayo ay dalawang nilalang, may sariling mga pagiiisip. Alalahanin mong mabuti hindi mo sya nagustuhan dahil pareho kayo ng hilig. Minahal mo sya dahil tanggap ka nya at naiintindihan ang pagkatao mo kahit ano ka pa. Dahil lagi syang andyan kapag kailangan mo sya at ikaw din sa kanya. Kaibigan mo sya dahil mahal mo sya at hindi dahil mahal ka nya. Dahil sya ang totoong tao na nagsasabi ng mga mali mo, sya na nakakakita ng flaws mo pero sa kabila ng lahat di ka pa rin nya iniiwan. Kalimutan nyo na ang nagdaang unos sa buhay nyo, life is too short to argue with petty things, move on. Ngayon. Wala nang panahon. Wag mong aksayahin ang bawat araw na masama ang loob mo. Sayang lang ang oras.
Sa iyong buhay, ilang pagkakataon na ang nasayang mo sa kakahintay ng pagkakataon na nakalagpas na pala o yun pala e di naman talaga dadating? Words left unsaid, things left undone, feelings left undisclosed.
Sa lahat ng pagkakataong nasayang, wala namang magandang naidulot ito sayo kundi puro agam agam lang, puro what if’s, puro multo ng nakaraan, pagsisisi. Na kung ginawa mo lang sana at di ka na nagpatumpik tumpik pa disin sana ay nagbunga. Di man ayon sa iyong plano o gusto at least alam mong may ginawa ka para subukang matupad ito.
Ngunit ikaw, ikaw na may kakayanan para mabago ang iyong buhay ngayon ano pang pinagpapatumpik tumpik mo dyan? tama na ang pagpapacute. Tama na ang pasakalye. Tama na ang paramdam. Wag kang umasta na friendly ka lang, huwag kang umasal na parang wala lang. Obvious na. Dumiretso ka, tumbukin mo na, wala nang oras para magpaligoy ligoy. Sayang ang oras. Ikaw din, maunahan ka pa ng iba, sino ang magiging kawawa?
Simple lang parekoy, wag mo nang ipagpabukas pa ang kaya mong gawin ngayon.
Pero hindi ko naman minamasama ang “a time for later”. Angkop ito at sumasaludo ako sa mga pusong walang sawa sa pagtibok at paghihintay sa pagbabalik ng isang pag-ibig kasabay ang pag-asang di mamatay-matay. Sa pag-asang magkakasama din sila sa bandang huli, sa kabila ng lahat ng hirap at pain. Kung ikaw ito, alam kong alam mo na dadating din ang panahon para sa inyong dalawa.
A time for us, later. Para sa dalawang puso na nagsumpaan. Sa dalawang kaluluwang walang laya sa kasalukuyan. Sa pag-ibig na pinaghihiwalay ng milya-milyang distansya. Sa mga pusong umaasa na sa bandang huli din ay magiging sila, sana…
wala ka sa lolo ko! inspayrd! hehe
ReplyDeletehindi na bagay sa'yo ang pangalan mo koya! ASAN ANG INDECENT DITO??? ampness... haha
ReplyDeletegrabe saludo talaga ako sayo koya ang galing ng pagkakasulat, parang dinaanan lang ng hangin... swabeng swabe.. wala na ko masabi... BOW!
"Words left unsaid, things left undone, feelings left undisclosed." - tatlong phrases na pinaghiwahiwalay ng comma... katulad ng tatlong salita na napakahirap sabihin... napakahirap ipadama at napakahirap maramdaman... kung ano ung tatlong salita na yun... parang... parang I love you lang... maigsi... pero malaman.
LOL!
"Sa pag-asang magkakasama din sila sa bandang huli, sa kabila ng lahat ng *HIRAP* at *PAIN*." hahaha parang CONYO LANG!
*masigabong palakpakan* APIR!
chokie, di naman maxadowwww...
ReplyDeleteayos! very well said...:P
ReplyDeleteTatlong beses ko ng binasa hindi ko parin masyadong maintindihan pero ayos lang alam kong ang mga portion of thoughts na naisulat mo ay mga bagay na gusto mong sabihin sa sarili mo madalas ganyan kasi ako. I just assumed it hihihihi
ReplyDeletePero sa kabila ng lahat.
I simply labet! :-D
Tama!
ReplyDeleteHaha sa haba ng nasulat TAMA lang ang katapat.
Pero seryoso, tama ang mga pinagsasabi mo. In this short lifer, there's no time to waste on self-doubt. At bawat second an na-enjoy mo ang buhay mo ay dumadagdag sa nakaraan mong hindi mo pagsisisihan.
Prioritization ang mahalaga. Me mga panahon na kailangan agaran ang pag gawa at me mga panahon na laid back lang.
ReplyDeletePero sa sitwasyong inihayag mo, dapat agaran ang solusyon.
Ang galing! =)
bukas na.. tagay muna tayo! haha! :P
ReplyDeletemahal ko kayong lahat! bwiset! kahit hindi nyo ko mahal!
dito daw ba magkalat.. ampf!
ninamnam ko talaga ang bawat salita...
ReplyDeleteat dahil diyan wala akong masabi...
wala na, basag na ko dito! itagay na nga lang yan! wuhooo!
ReplyDeletenakakaiyak.
ReplyDeleteang dami kong naalala bigla a.
Ibang level na ito! nag raise to the 7th power!Ibang klase!
ReplyDeleteWala akong masasabi kundi BOW ako sa sinabi tumpak na tumpak!
Ingat