French – Mere; German – Mutter; Hindi – Maji; Urdu – Ammee; English - Mom, Mummy, Mother; Italian – Madre; Portuguese – Mãe; Albanian – Mëmë, Nënë, Burim, Kyemurgeshë; Belarusan – Matka; Cebuano – Inahan, Nanay; Serbian – Majka; Czech – Abatyse; Dutch – Moeder, Moer; Estonian – Ema; Frisian - Emo, Emä, Kantaäiti, Äiti; Greek – Màna; Hawaiian – Makuahine; Hungarian - Anya, Fu; Ilongo – Iloy, Nanay, Nay; Indonesian - Induk, Ibu, Biang, Nyokap..
Ibat iba man ang tawag natin sa kanila, pero iisa ang sinisimbolo nila sa ating pamilya --- Kalinga, aruga, pagmamahal at pagaasikaso. Sila ang walang sawang gumigising ng maaga upang ihanda at asikasuhin ang ating mga pangaraw araw na pangangailangan. Mula sa hapag kainan hanggang sa mga damit na ating isusuot, sila ang nagpapakabala para sa atin. Sila ang madalas nating sumbungan at ang kaninlang pangalan ang ating unang nasasambit sa tuwing tayoy umiiyak, nasasaktan o kaya ay natatakot. Sila ang ating INA.
Ang post na ito ay pagtalakay patungkol sa mga butihing ina, pero ang aking pagbati para sa king sariling ina ay hahalungkatin ko na lang muna
dito.
Sa araw na ito, Gusto kong bigyan ng pansin at pagkilala ang walang kapantay na pagmamahal ng mga single moms. Hindi naman kaila sa atin na sa panahon ngayon marami ang nasa ganitong estado, unti unti natatanggap na sila ng masyadong mapanuring mata at de-kahon na kaisipan ng lipunang ating ginagalawan.
Dalawa sa mga kaibigan ko ay single moms.
Yung isa, matapos maanakan ng hapon at mapangakuan ng magandang kinabukasan e ayun at kumakayod na mag-isa sa buhay para lang may maipantustos sa gastusin nilang mag-ina. E Kasi ba naman yung sakang na yun, madalang pa sa patak ng ulan sa panahon ng el nino kung magpadala ng sustento, mahirap asahan. So ayun, sa ngayon magkalayo silang mag-ina dahil sa manila work si friend at malaking gastos at isipin kung isasama pa nya doon ang baby nya, sakripisyo na lang na mag-uwian sya sa province every weekend para lang magkasama silang dalawa. Madalas syang umangal dahil mahirap naman talaga ang buhay, mahal ang bilihin, at napakahirap din daw na solo katawan sya na nagtataguyod ng ikabubuhay nilang mag-ina. Ang kanyang pinakamalaking ipinag-aalala kung ngayon pa lang nahihirapan na sya, pano pa daw nya pag-aaralin ang kanyang anak? Paano nya pagkakasyahin ang kakarampot na kinikita nya para sa kanilang dalawa?
Ang isa ko pang kaibigan, sinunod ang puso, nabaliw sa pag-ibig. Nadarang sa libog, pumasok sa maling relasyon at nagbunga. Ngayon ngayon pa lang siya medyo nakakabawi at naguumpisa ng panibagong buhay. Di nya kelangan mamalimos, magtungayaw at umasa na panagutan ng ama ng bata ang kanilang anak. Di nya kelangang sumakit ang ulo sa kakaisip ng panggatas ng baby, kasi may kaya naman ang kanilang pamilya. Kayang kaya siyang suportahan ng kanyang mga magulang sa pagpapalaki ng kanyang anak. Nung minsan tanungin ko sya, ano ang plans nya sa buhay? Walang malinaw na sagot. Wala pang patutunguhan, pero sigurado sya, ayaw nya raw habambuhay dumepende sa sarling pamilya nya at alam nya kelangan nya rin magsikap ng todo para sa kanya at sa kanyang anak.
Dalawang magkaibang sitwasyon pero may isang common denominator. Pareho silang INA.
Sa likod ng kanilang malambot na puso, sa likod ng walang patid na pagluha at pagaalinlangan, nasasalamin ko pa rin sa kanilang mga mata ang matibay na pagkatao. Iisa ang tanging gusto nila, una sa lahat at bago ang sariling kapakanan, ang sa anak na muna nila.
Tinanong ko sila kung may balak pa ba sila na maghanap ng mapapangasawa. Simple lang ang sagot nila. “Kung tanggap ako at mamahalin kami ng anak ko, bakit hindi?”
E pano kung walang dumating? Ayun, pilit inihahanda ang kanilang sarili sa hamon na itaguyod ang kinabukasan ng kanilang mga anak. Nang walang halong pagaalinlangan.
Para sa akin, yun ang isang pagpapatunay ng tunay na kadakilaan at malaking katapangan ng mga single moms, ang mag-isang pagharap sa hamon ng buhay at hanggang sa pagpili ng makakasama sa buhay, kapakanan pa rin ng sariling anak ang nasa isip nila. Di bale na ang sarili nilang kaligayahan, basta mailagay lang sa ayos ang buhay ng anak nila.
Kung ikaw ay isang produkto ng pagpapalaki ng isang single mom, maaaring di naging kasingkulay ng iba ang kabataan mo dahil lumaki kang walang ama na gagabay sa iyo. Maaaring walang ama na nagturo sayo para gumawa ng saranggola at magpalipad nito, maglaro ng trumpo, magbasketbol, magbisikleta, magskateboard, baseball, paano ang tamang pagdepensa sa sarili at ang magpakalalaki. Maaring may ilang panunuya ang inabot mo mula sa iyong mga kalaro dahil lang lumaki kang walang kinikilalang ama. Maaring may punto sa iyong buhay noon na nagrebelde ka at sinisi ang iyong ina, na kung di dahil sa kanya ay buo sana ang inyong pamilya. Ngunit batid ko, hindi naging kulang ang iyong pagkatao dahil lang sa lumaki kang walang ama. Alam ko, kung ano ka ngayon, ay dahil sa iyong butihing ina na hindi nagpabaya sa paghubog sayo.
Pakaisipin mong mabuti ang lahat ng paghihirap, pagtitiis at sakripisyo ng iyong butihing ina para marating mo ang katayuan mo sa buhay ngayon. I’m sure, hindi naging madali ang lahat para sa kanya. Hindi ganun kasimple ang mag-alala at umikot ang tumbong sa paghahanap ng ilalagay sa hapag para may maipanlaman sa nagugutom mong tiyan. Hindi madali ang mabahala na baka hindi ka nya mabigyan ng maayos na edukasyon sa iyong paglaki, edukasyon na tanging maipapapamana nya sayo para maging handa ka sa iyong buhay. Sa tuwing nagkakasakit ka mas pinili nyang mag-absent sa trabaho para personal kang maalagaan at ayaw ka nyang ipagkatiwala sa iba, kahit na nga sobrang importante ng kikitain nya sa isang araw, hindi ka nya ipinagpalit sa pera. Naisip mo ba, pano kung ang iyong ina ang nagkakasakit noon? sino ang nag-aaruga at nag-aasikaso sa kanya? bawal syang magksakit hindi ba? At wala kang narinig na daing mula sa kanya. Kasi ayaw nyang mag-alala ka pa.
Sa tuwing may kailangang ikabit o kumpunihin sa inyong bahay, siya ang tanging inaasahan mo noon, dahil walang iba kang matatawag bukod sa kanya. Sa kanyang mga kalyado at pasmadong mga kamay mo naramdaman ang pagkalinga at pagmamahal.
Mahirap ilarawan ang naging pagtitiis ng iyong ina na namuhay mag-isa para mabigyan ka ng maayos na buhay ngayon. Wala syang ibang karamay, tanging ang mga ngiti, halik at yakap mo na lang ang kanyang pakunswelo sa buhay para maibsan ang kahungkagan ng tumanda na walang kaagapay. Para sa kanya, ikaw lang ay sapat na.
At kung may mga pagkakataon man na may nagpupumilit na kumatok sa kanyang puso, una sa lahat ay ikaw pa rin ang naiisip nya, kapakanan mo pa rin muna. Di na nya hinangad na maghanap pa ng makakasama sa buhay. Hindi bale na ang kanyang pansariling kaligayahan, sapagkat para sa kanya mas importante ang kaligayahan mo. Di bale nang wala syang kayakap sa malalamig na gabi, di bale nang wala syang karamay sa pagtanda, andyan ka naman. At sa kanyang pagtanda, sana naman ay wag mo syang makalimutan, dahil ikaw na lang din ang kanyang inaasahan na mag-aaruga sa kanya.
Para sa lahat ng single moms dyan, isang malaking malaking hug at ang aking pagpupugay sa inyong lahat, saludo po ako sa inyo!
Sa lahat ng ina out there, Happy Mother’s day po!
"The future destiny of a child is always the work of the mother."
- Napoleon Bonaparte -