pektyur pektyur! ismayl!!!!

Showing posts with label homesick. Show all posts
Showing posts with label homesick. Show all posts

9.11.10

TAMAAAA!!!

Ikaw na lang ang LAGING TAMA!

Ikaw na ang MADAMING ALAM!

OK FINE!

Ikaw na ang BRIGHT!





Point of Argument: ON BEING RIGHT.


SHE SAID: Hindi sa lahat ng pagkakataon ang mali ay mali at ang tama ay tama. Hindi lahat ng ikakasaya ng isang tao e ang pagiging tama. Also, Being responsible is not being always right. Being responsible is yung alam mo kung kelan ka gagawa ng tama at alam mo kung kelan ka gagawa ng mali. At hindi ibig sabihin na gumawa ka ng mali e masama ka na o masama yung ginawa mo, nasa sitwasyon yun. As long as kaya mong ibalanse ang lahat ng bagay, kaya mong ipaliwanag at kaya mong ipaglaban ang sarili mong pananaw.

HE SAID:Yun nga kasi ang mali dun, yung alam mo nang mali pero ginawa mo pa rin dahil lang alam mo  na kaya mong ipaliwanag at panindigan after at kasi alam mong maiintidihan ka naman. Pero looking at it, tama pa rin ba yun? The end does not justify the means.

Sino nga ba ang totoong MAY TAMA?

 
 
an_indecent_mind

29.5.10

Sige na.. iyuhin mo ako..

Wag kang magkaila. Wag kang magmalinis.

Alam kong tulad ko, ikaw din, lahat tayo ay nagnanasa.

Oo, nagnanasa ako ngayon. Nagnanasa ako ng maiinit na yakap. Ngunit hindi galing sa isang patay at malamig na unan kundi mula sa isang taong may mainit na katawan.

Isang mahigpit na akap lang, kahit isa lang, yung may malinaw na mensaheng “akin ka”


Ngunit imposible yun dito, sa mapanukso at nakakabaliw na lugar na ito. Hindi mula sa isang pundidong ilaw ng tahanan ang hinahangad ko. Kung ganun din lang, hindi bale na lang, magpapaakap na lang akong muli sa aking kumot at mga unan.

Sana lang andito ka ngayon.. at iniiyo mo ako..



pektyur mula sa photobucket

11.10.09

maglaway ka!!

di ko maiwasang mangiti tuwing maririnig ko ang countdown sa tv tuwing umaga sa aking paggising… ipinagbibilang nila ako! at syempre pa araw-araw na nadadagdagan ang aking pananabik…

oo, malapit na akong umuwi!! masyado silang excited magbilang! ang totoo, maraming tulog pa.. pero, mabilis lang talaga ang paggulong ng araw. halos di ko nga namalayan na makaka isang taon na naman pala ako dito!


at dahil sa nalalapit na ang aking bakasyon… unti-unti ko nang sinasariwa sa aking alaala ang mga super namimiss ko nang pagkain. at eto ang mga pinaglalawayan ko ngayon pa lang…

1. Fishball, Kikiam, squid ball - sobrang miss ko to! yung pakikipag-unahan sa pagtusok at pagsawsaw sa suka at sarsang manamis namis na maanghang... kasunod ang nakakapasong pagsubo! saraaappp!!
2. Tokneneng/Kwekwek - nami-miss ko na ang pagcommute sa lrt recto station.. andun ang samu't saring tindahan ng street foods na wala sa street.. may isa pa, yung "tukneneng na balut" sarap nun! with suka, asin at sweet and chili sauce... hmmmm...
3. Balut - sa sobrang mahal ng presyo ng balut dito, di ko maenjoy ang pagkain nyan ngayon .. kaya pag-uwi ko, titira talaga ako ng balut! balut sa puti, penoy sa balut... pero hinding hindi ng balut sa brief!!! ewwww!!

4. Isaw, betamax, balat, balunan, tenga ng baboy, adidas, BBQ - yung mabangong usok ng iniihaw, malinamnam na sauce, mura at mabibili lang dyan sa kanto. nakakapaglaway...

5. Goto at lugaw with matching tokneneng/tokwa at isaw - syempre dagdagan mo pa ng dahon ng sibuyas, sinunog na bawang, toyong may sili tapos pigaan mo pa ng kalamansi!! saraaappp!!


6. Pansit Habhab - eto talaga ang pansit na kinalakhan ko na sa aming probinsya. madalas ko itong hinahanap hanap lalo na ngayon. tradisyonal na paraan ng pagkain nito ang hindi paggamit ng kutsara o tinidor, kelangan mo syang kainin sa dahon ng saging gamit lang ang iyong bibig. the best kung may sukang maanghang!

7. Pansit (Tamis anghang) - pansit na miki/sariwa, manamis namis na maanghang.. masarap kung mainit at masarap ding iulam sa kaning lamig..

8. Tinapa - the best sa almusal with matching sinangag na kanin at sunny side up at hot choco o kape..

9. Tahong - pwedeng baked tahong o simpleng luto lang sa sprite ok na! (wag nang titigan ang tahong, baka lalong maparami ang kain mo parekoy! paalala malakas makahighblood)

10. Inihaw na spareribs - needless to explain, sobrang miss ko na to... syempre dapat may toyo, sili at kalamansi para sawsawan!

11. Lechon paksiw - manamis namis na maasim na mainit na paksiw.. peyborit part ko, dila.. (oo, mahilig talaga ako sa dila e...) LOL

12. Dinuguan - masarap sa puto, sa bagong lutong kanin or sa kaning lamig..

13. Adobong Pata ng baboy - trip ko to, pag yung sobrang lambot ng pagkakaluto yung halos humihiwalay na yung laman sa buto tapos medyo malapot ang sabaw? sarap!! masarap to kahit lumamig na, at nagsesebo ung sabaw, with matching kaning lamig..


14. Bopis - sa totoo lang, di ko pa rin maalis ang aking sarili sa pagkaadik sa bopis kaya kahit andito ako tyaga ako sa beef bopis... pramis! babawi ako pag-uwi ko! sarap kaya nyan sa kaning lamig o kaya sa hot pandesal! yum yum!
15. pinangat na laing - lumaki akong laging nakakatikim neto, lalo na noong di pa nagpunta ng esteyts ang aking mahal na lola... isa sa pinakamasarap na laing na natikman ko ang kanyang luto. hindi ko alam kung anong sikreto ng kanyang gata, pero basta hinahanap hanap ko yun... at irerequest ko talaga sa pag-uwi din nya sa bakasyon ko! (ngayon pa lang naglalaway na ako... wehehe)
16. Pritong tuyo - masarap na kaulam ng pagkasarap sarap na daing.. da best din sa champorado.. o kahit sa simpleng mainit na kanin... wag kalimutan ang sawsawang suka.. hmmmm...
17. longganisang lucban - eto ang siguradong niluluto pa lang e nagugutom at naglalaway ka na! mantika pa lang ulam na! sarap!

18. ice cold beer - pero hindi yang nasa taas... dahil yan ang pinagtitiisan ko dito... yan ang NAB (Non-Alcoholic-Beer)... syempre eto naman ang gusto kong sumayad sa tigang na lalamunan ko...



19. chicharong bulaklak - at syempre ito ang masarap pulutan sa nagyeyelong beer, ang malutong at pampahighblood na chicharong bulaklak! ihanda na ang sukang sawsawan!

20. sizzling PORK sisig - pulutan o ulam, hindi ko ito uurungan! konting piga ng kalamansi, konting durog ng sili, samahan ng paghalo ng itlog... yum yum yum!!

21. crispy pata - syempre di ito papahuli sa listahan ng mga pinaglalawayan ko! malutong na malutong at mainit sabay sawsaw sa pinaghalo halong toyo, ketchup, kalamansi, sibuyas at sili! perfect pampaalta -- crispy pata!
22. lechon baboy - mamantika, malutong na balat at masarap na sauce.... tsalap!
23. inihaw na pusit - eto ang hindi ko mapigilang lingunin at singhot singhutin sa tuwing madadaanan ko... ambango! kakagutom!
23. sweet & spicy chicken feet adobo - sobrang miss ko na to! naiisip ko pa lang ngayon, naglalaway na talaga ako!


24. mangga at bagoong - syempre hindi yan mawawala sa listahan ko... daig pa ang naglilihi... kakapangasim!


25. santol - hindi naman ako masyadong mahilig sa santol, pero kapag naiisip ko yung asin na may kahalong dinurog na sili, naglalaway talaga ako...

26. choc nut - di maipagpapalit sa kahit anong chocolate dito, iba pa rin ang kiliting naiibigay nito sa aking dila.. (di ko pa masyadong namimiss yan, meron pa akong "hany" dito, kaso dalawang piraso na lang at kelangang amuy-amuyin na lang muna hanggang magbakasyon ako... wehehe!)
at syempre... sa tagal kong nawala, eto ang pinakana-miss ko ng sobra....

wag kang mag-isip ng kung ano..
nami-miss ko lang ang aking kumot, kama at unan! wahahaha!!
at kagaya ko.... maglaway ka din!! wehehe!

salamat sa mga pektyur:
photobucket/flikcr / goggle

6.4.09

himutok

hindi naging maganda ang umpisa ng araw ko ngayon..


habang lulan ako ng aming company shuttle bus, at may nakapasak na earphones sa aking tenga, wala akong kaalam-alam sa nangyayari… mula sa aking pagkakaidlip, naalimpungatan ako.. sa isang traffic light, isang saudi lokal ang nakikipagtalo sa isang bangladeshi, malamang gitgitan sa kalsada.. maya-maya pa bumalik yung arabo sa pick-up truck nya, kumuha ng isang tubong kalawangin na uno y medya ang bilog na may elbow sa dulo…


walang pakundangan niyang ipinagtulakan ang kalaban nya sabay hambalos ng tubong hawak nya dito. wala syang pakialam, san man nya ito tamaan sa bawat paghambalos na kanyang ginagawa.. napapangiwi ako sa tuwing tinatamaan ang bangladeshi… di ko alam ang pinag-ugatan ng kanilang pagtatalo.. ngunit gaya ng dati, hindi makapanlaban ang kalaban ng arabo.. alam kong alam din nyang tyak na may kalalagyan sya kung saka-sakali…


dito sa saudi, kahit yung arabo ang mali, mali ka pa rin sa katwiran nila. kahit maaksidente ka nila, kasalanan mo pa rin yun dahil sa kanilang pilosopo at di-makataong pangangatwiran, kung di ka nagpunta sa kanilang lugar, hindi ka nila maaaksidente.. at nakapanlulumong maraming pagkakataon na ang nangyaring ganito… ilan na nga bang pilipino ang nakulong na walang kasalanan? ilan na nga ba ang napugutan ng ulo? ang nalatigo? silang mga inosente… tsk!
**********
pera-pera na nga lang siguro kung bakit ako nandito ngayon sa lugar na ito.. sa kagustuhan kong iangat ang antas ng pamumuhay ko at ng aking pamilya, hinarap ko ang hirap at lungkot ng paglayo sa knila. at ang panganib ng buhay dito sa disyerto.


oo, tingin ko mas mahal ko ang pamilya ko kaysa sa sarili ko… dahil kung ako lang, kaya ko naming magtiis na hindi kumain ng masarap, kaya kong hindi mamasyal sa mall, kaya ko palang walang alak sa katawan, kaya ko palang magtrabaho ng minimum sampung oras sa loob ng isang araw, at mag-ot pa ng dagdag na tatlong oras at kalahati tatlong beses sa isang lingggo at pumasok pa rin ng kalahating araw ng byernes na sana ay araw na lang ng pahinga.. daig pa nga ako ni kuracha, ang babaeng lingo lang ang pahinga, ako kalahating araw lang ang pahinga..


hindi ako nagrereklamo, dahil pwede ko naman piliin na maging lantang gulay na lang sa loob ng aking kwarto, pero hindi ko ito ginagawa… sayang din kasi ang kikitain ko sa oras na ilalagi ko sa opisina.. tutal trabaho naman talga at kumita ng higit sa pang-araw araw na pangangailangan ang ipinunta ko dito, samantalahin na lang lahat ng pagkakataon…. saka na lng ako magpapakasarap sa pag-uwi ko sa pinas.. makita ko lng na kumakain ng maayos ang pamilya ko, at naibibgay ko lahat ng pangangailangan nila, sulit na lahat ng paghihirap ko dito.. malayo man ako sa kanila, sana maintindihan nila, para rin sa kanila ginagawa ko… hindi lang para sa akin..


kung noong dati, nung nakakapanood ako ng mga pelikulang patungkol sa pamilyang pilipino na kinailangan maghiwalay at isa sa mga magulang ang mangibang bayan, di ko noon maiwasang itanong sa aking sarili kung bakit kailangan pa nilang umalis?? pwede naman sigurong sa pinas na lang, hindi na kailangang lumayo..


noon, itinanim ko sa isip ko na sa pinas lang ako, hahanap ng mayos na trabaho, gugulin ang lahat ng oras sa aking pamilya, makita at masubaybayan ang anak ko sa paglaki.. pero ngayon, isa ako sa nagpasyang humanap ng magandang kapalaran dito sa ibang lupain, maayos na kapalarang di kayang ibigay ng aking sariling bansa. ngunit, di ko maialis sa aking isipan ang takot na pagdating ng panahon ay sa akin pa isumbat ng pamilya ko na sana ay hindi ko na lang sila ipinagpalit sa dolyar na kikitain ko dito.


mahirap kung sa mahirap.. pero hindi na ako naiinip masyado, natutunan ko na ring libangin ang aking sarili… at sa tulong na rin ng makabgong teknolohiya, hindi na ganun kalakas ang homesick..
**********

umalis ako noon, 3 buwan pa lang ang anak ko.. nagbalik ako kulang isang taon mula nung umalis ako, para gugulin ang dalawamput isang araw ng bakasyon na ibinigay sa akin.. magkahalong kaba, saya at pananabik, makakapiling ko na naman ang aking mga mahal sa buhay.


sa totoo lang, masakit makita na ang anak ko ay mas malapit pa sa ibang tao kaysa sa akin na sarili nyang ama. ako, na sinasakripisyo ang mga pansarili kong kaligayahan para sa kanya. ilang araw din ang inubos ko para lang magkalapit kaming dalawa, o matanggap nya kung bakit hindi lang siya ang pwedeng yumakap at humalik sa kanyang ina.. kung bakit may ibang lalaki na natutulog sa kanilang kama bukod sa kanya..


ilang tsokolate at laruan ang naubos ko para lang lumapit at sumama sya sa akin.. sa mura nyang isipan, sana lang hindi nya inakalang ako si santa claus noong panahong iyon ng kapaskuhan..


hanggang sa muling pagbalik ko dito, dala ko pa rin ang agam-agam kung ano kaya maging reaksyon nya sa susunod naming pagkikita, ilang buwan mula ngayon.. o kaya, paano ba ako ibibida ng anak ko sa pagdating ng panahon sa knyang mga kaibigan.. ipagmamalaki nya kaya ako o kamumuhian?


oo naman, gusto kong ako din ang magturo sa kanyang magbisikleta, magsaranggola, magbasketbol at mag-ayos at magkutingting ng kung ano-ano sa bahay….


haay buhay, puro himutok na lng ba? la na ba tlagang pag-asa ang pinas?? gaano katagal pa ang kailangang ipagtiis sa ibang bansa?


kung magiging maayos lang sana at may konting kasiguraduhan ang buhay sa pinas, hinding hindi ko iisipin ang umalis at mangibang bayan…
**********

wahahaha!! pagpasensyahan nyo na... naglalabas lang po ng sintemyento sa buhay..



LinkWithin

Related Posts with Thumbnails