pektyur pektyur! ismayl!!!!

Showing posts with label relasyon. Show all posts
Showing posts with label relasyon. Show all posts

5.4.12

Reflections


Mahal na araw na at eto ang isa sa mga nakakamiss sa pinas!


Eto ang araw ng mga himala dahil walang mabigat na trapik sa EDSA, makikita na ang mga sasakyan e puro pauwi sa probinsya. Mahabang bakasyon, yung mga hindi natin mahagilap buong taon e nagpaparamdam at ngayon ang tamang pagkakataon para mag-reunion kasama ang mga barkada at pamilya.

Relaxation? Syempre Beach ang unang papasok sa isip natin di ba? Eto ung panahon para magamit na ang pinakatatago-tagong two-piece bikini at saka maipakita ang ipinagmamayabang na six-pack abs. (Well, wala ako nyan one pack ab lang ang meron ako, one big pack! LOL!)

Pero para sa sa ating mga OFW na malayo sa ating mga pamilya, lalo na yung mga andito sa disyerto na walang laya na magdaos ng ganitong mga okasyon, wala tayong magawa kundi ang mainggit sa kanila at magbuntong-hininga..

Pero subukan kaya natin gawing mas malalim ang kahulugan nito para sa ating buhay? Tutal madami naman tayong oras e. Gawin kaya nating ang mahal na araw ay simpleng pananahimik, pagsisisi sa ating mga nagawang kasalanan, pag-aayuno at penitensya, pagninilay-nilay sa mga aral ng ating mahal na Panginoon. Tingin ko, hindi naman kelangan magpahagupit hanggang mawasak ang likod o kaya e magpapako pa sa krus para lang maipakita na nagsisisi tayo sa mga nagawa nating kasalanan.

Higit sa anupaman, para sa akin mas importante pa rin ang mataimtim at taos sa puso na pagdarasal at personal na pakikipag-ugnayan sa Diyos. Kahit nga simpleng pagpigil sa mga bagay na gustong gusto nating gawin e isang uri na din ng penetensya yan e. Pwede namang magpahinga muna sa paggamit ng Facebook, paglalaro ng video games, o kaya e papagpahingahin muna ang ating celfon.


Pagninilay. Sa mga bagay na nangyari at nangyayari sa ating buhay, mabuti man o masama. Ano nga ba ang tunay na mensahe ng Panginoon sa atin?

Pagpapasalamat. Sa lahat ng mga biyayang dumating at nakamit, sa mga bagong kaibigan, bagong trabaho, bawat araw ng paggising, panibagong pagkakataon para magbago.

Pasensya. Sa lahat ng mga bagay na ating pinakaaasam asam at matagal nang idinadasal, maaaring hindi pa napapanahon na ibigay sa atin o kaya naman ay may mas magandang plano ang Diyos para sa atin.

Pagpapatawad. Sa lahat ng mga taong nakasalamuha, naging kaibigan o kasamaan ng loob. Kagaya ng pagpapatawad ng ating Panginoon sa lahat ng mga umalipusta at tumuya sa kanya at sa buong puso nyang pagtanggap sa kalooban ng ating Ama.

Pagbangon. Mula sa masamang nakaraan, ang okasyon na ito ay isang simbolo ng patuloy na pagbangon. Maaaring nasaktan tayo, maaring nadapa at nasugatan, nagrereklamo ka na ba? Alalahanin mo ang limang banal na sugat na ininda ng ating Panginoong Hesus noong mapako sya sa krus, para sa atin.

Pagpapahalaga. Maaalala mo ang mga taong nakatulong sayo na maging isang mas mabuting tao. Ang mga taong naging kasangkapan upang maipadama ng Panginoon ang kanyang walang hanggang pagmamahal sa atin.

Pagkamulat. Maaalala mo ang mga ang mga taong nakagawa sayo ng masama at mga pangyayari na hindi akma sa ating kagustuhan. Sana, sa pagdiriwang na ito makita natin ang malaking imahe at tunay na mensahe sa ating buhay ng mga pangyayari at hindi tayo tumingin sa maliliit na detalye lang. Maaaring nangyari ang lahat para mamulat ang isipan natin sa mga kung anong meron tayo, sa mga bagay na walang saysay at dapat na lang talikdan at mas pahalagahan ang mga taong tunay na nagpapahalaga satin. Sapagkat ang bawat tao, mabuti man o masama, ay isang instrumento at kasangkapan para sa ikabubuti ng kanyang kapwa, depende na lang sa kung paanong aspeto natin ito titingnan.

Pagbabago. Kelanman, hindi naman naging huli ang lahat para sa ating pagbabago. Walang sinumang pagkasama-sama sa mata ng tao ang masama para sa ating Panginoon. Alalahanin natin, ang kanyang mga disipulo at mga propeta ay pawang mga makasalanan. Subalit sila ang mga tinawag at buong pusong tinanggap para ipahayag ang mga salita ng ating Panginoon.

Pamilya. Higit sa lahat, ang mahal na araw ay panahon ng muling pagsasama-sama ng buong pamilya. Isang piging, isang malaking salo-salo. Panahon ng kamustahan, tawanan at muling pagiging isa.

At syempre naiinggit naman ako! Haha!

Sa lahat, enjoy your long vacation!

Stay safe!



an_indecent_mind





27.11.10

party party!!!


"don't call me, i'll call you later, andito kasi ngayon si bf"

kung pamilyar sayo yung ganitong linya malamang naranasan mo na ang ganitong klase ng magulong relasyon,at ngayon pa lang e natumbok mo na ang kahulugan ng linyang yan. malamang di na bago sayo yung linyang "manong sa pinakamalapit...", adik ka na rin sa full throttle intensity ng "short time" at alam mo yung literal na kahulugan ng "parang mauubusan".

ang totoo, masarap na mahirap ang ganitong tipo ng relasyon. masarap kasi nga may thrill. para ka na ring palihim na kumakain ng huling slice ng pagkasarap sarap na cake sa ref nyo na di naman sayo at alam mong magagalit ang mayari pag nalaman nyang nilantakan mo ito.. pero sige kain ka pa rin..

di naman ako magmamalinis dahil di naman talaga ako malinis. i've been into same situation before. may gf ako noon but it just happened that my ex-gf and i found each other again after ten long years. once tinanong ko sya, "nasa yo ang lahat ng pagkakataon at magagandang katangian para pumili ng taong magmamahal sayo ng buong buo, pero bakit ako pa?" nakangiti pero walang kakurap kurap nya akong sinagot, "dahil sa ngayon ikaw lang ang nakakapagpasaya sa kin ng ganito. alam ko naman di permanente to, bukas maaaring maiba ang ihip ng hangin, pero sa ngayon pahiram muna sayo, habang masaya pa tayo sa isat isa. at saka... ano ka ba? mas mahal ang kabit no!"

the joy and pleasure of having an illicit affair.

iba ang pakiramdam, may adrenaline rush sa bawat pagkakataon, may kakaibang thrill, madalas fast forward ang lahat ng bagay. you both know what you want at ginagawa nyo yun without pretentions or hesitations,kasi di nyo naman kelangang magpanggap just to please each other. kasi tanggap nyo ang isa't isa, no more no less. wala kayong sinasayang na oras, itinuturing nyong last na ang bawat araw na magkasama kayo dahil wala naman talagang kasiguraduhan ang lahat sa inyo.

pektyur mula kay pareng gogol
masarap ang bawal kasi alam mong alam nyang pumili ka na pero pinipili ka pa rin nya.

masarap ang bawal kasi alam mong pumili na sya ng para sa kanya, na sa tingin nya e pinaka the best na para sa kanya, pero heto at pinipili ka pa rin nya.... ibig sabihin ba nun e better ka pa sa best?

pero teka nga, may superlative pa ba ang best?

the torture of having one.

lahat ng saya may downside din yan at eto ang malupit na parte na walang gamot na mabibili kahit san pa mang mercury. yung nakakamatay na lungkot habang nag-iisa ka, naghihintay sa simpleng text message o paramdam, kahit miscall lang sana, masabi lang na naalala ka nya kahit masaya sya sa totoo nyang mundo..

alam mo naman na hindi sya sayo, alam mong di pwede, alam mong ikaw din ang talo sa huli pero sige ka pa rin.. bigay ka pa rin ng bigay.. ano nga bang kapalit? isang oras ng ngiti kapalit ng isang araw na luha. kaunting atensyon. kapirasong oras. isang buong daigdig ng kaligayahan. isang habambuhay ng walang kasiguraduhan na posibilidad, at muli sa paggising mo sa kinabukasan e andun na naman ang pagkasabik mo sa isang tao na di mo alam kung kelan mo ulit makakasama. paulit ulit lang, nakakaadik.

masakit ang maghintay sa isang bagay na di mo alam kung dadating nga ba, pero wala nang mas sasakit pa sa paghihintay sa isang bagay na hindi naman talaga dadating kahit kelan. pero sa tagal at sa paulit ulit na sakit parang naging manhid ka na rin. minsan nga di mo na alam kung martir ka ba o masokista lang talaga..

masarap sana ang bawal, yun nga lang dapat handa ka rin na maging parang tanga lang, nagaabang sa patak ng ulan. yung para bang ikaw lang lagi ang nagbibigay. umaasa. naghihintay. sa wala.




an_indecent_mind

6.11.10

Till Death Do Us Fart




Maporma? Mayaman? Malakas ang dating? Down to earth? Matalino? Malakas ang sense of humor? Yan ba ang ilan sa mga katangian ng partner mo ngayon at yan din ang ilan sa iyong mga dahilan kung bakit mo sya napili?


Isa, dalawa, tatlong buwan mula nang sinagot mo sya matapos ka nyang ligawan ng mahaba habang panahon, ang lahat ng magagandang ugali ay napapalitan na ng totoo nyang pagkatao (pagkakataon na nyang gumanti sa yo ngayon!).. eka nga, mas nakikila nyo na ang tunay na ugali ng isa't isa.


Habang tumatagal, mas lumalalim ang inyong pagsasama at mas humahaba ang oras nyo sa kama nyong magkasama e mas nakikilala mo na ang partner mo.


Kung ako ang tatanungin, ang extreme test ng ikakatagal ng isang relationship, bukod sa inyong compatibility at capacity ng iyong partner sa sex, e hindi ang distance at hindi din ang time lang kundi ang haba ng iyong pasensya at tibay ng pagkatao para malagpasan ang kabalahuraan ng partner mo.


Noong bf/gf pa lang kayo, sooo cheesy pa sayo yung maghiraman kayo ng damit pambahay, tsinelas, magsalo sa iisang plato, maghiraman ng personal things at pati na rin ang maghiraman ng deodorant at toothbrush (costcutting!) at sa pagtagal tagal pa, naatim mo na rin ang magtootbrush o makipagkwentuhan sa kanya habang jumejebs sya, o kaya ay mangulangot sa harap nya habang sarap na sarap syang nagkukwento o ganadong kumakain. O di ba? so morbid??


Harder test ng relationship nyo, ang walang pandidiri mong paglalaba ng underwear nya na may kasamang bulbuhok o skid marks/blood stains (di ko kakayanin to! Itatapon ko talaga yun sa basurahan pramis! Nyahahaha!)


Pero sa tingin ko ang isa sa ultimate tests mo to withstand ang pagkabalahura ng iyong partner, which would eventually determine ang ikakatagal ng inyong pagsasama, ay ang tanggapin ang talent nyang magsabog ng utot “in your face” at your most unexpected situations!

Kung noong unang beses na narinig mong umutot sya e naconsider mo yun na cute at nakakatawa (kasi feeling comfortable na sya sa yo di ba?) pero sa pagdaan ng maraming taon ng inyong pagsasama kaya mo pa rin kayang yakapin ang pilosopiya nya sa pag-utot na “strike anywhere”?? kaya mo kayang sikmurain ang pagsabog ng kanyang bomba at namnamin ang nakakasulasok na amoy nito sa gitna ng paghaharutan ninyo sa ilalim ng iisang kumot? Kaya mo bang matagalan ang trip nyang panghuhuli ng sariling utot para isabog sa mukha mo habang wala kang kalaban laban? (langhap sarap??!)



See? Ang relationship ay hindi laging isang fairy tale lang! maraming kalokohan, maraming harutan at maraming ups and downs. Hindi laging factor sa pagpili ng asawa ang good genes ng partner mo… minsan kelangan mo din iconsider at lunukin ng buong buo ang pagkabalahura niya!

tip? amuyin ang utot ng partner mo as early as possible.. pakiramdaman ang sarili kung matatagalan mo ang amoy for the rest of your life!


Oo, tulad sa isang magandang jamming, ang utot ay nakakasira din ng isang magandang relasyon! Ang tanong lang naman kasi e tatagal ka ba??


BLLAAAKKKKKK!!

Oooppsss… Excuse me po!




an_indecent_mind

22.5.10

si kupido sa mundo ng blogosperyo

Sa aking opinyon si kupido ay isang nilalang na walang relihiyon dahil wala siyang sinasanto. Kahit sino ka pa, pag napagtripan ka nya, tatargetin ka na lang nya nang walang sabi-sabi. Wala siyang galang, walang respeto sa nakakatanda, color blinded din sya, di nya alam ang racial discrimination, panis sa kanya ang kasabihang “opposite poles attracts with each other”, di sya nakapanood ng batibot kaya di nya alam ang  “pagsama-samahin ang parepareho”. In short, siya ay laki sa layaw dahil lahat ng gusto nya ay nagagawa nya. At kung susumahin, si kupido ay isang adik dahil mahilig syang mag trip sa buhay ng may buhay.

Kung naguguluhan ka sa mga pinagsasabi ko ganito lang yan, simple lang, tingnan mo ang mga tao sa paligid mo. Tingnan mo ang mga pinag-parespares ng adik na si kupido. Di ka ba naguguluhan o natatawa sa kung anong klaseng pagiisip ang meron sya?

Ano ba ang panuntunan nya sa pagpili ng dalawang nilalang para pagpraktisang targetin ang mga puso nila? Bata at matanda, mahirap at mayaman, panget at maganda, maitim at maputi, midget at kapre. Walang pattern. Basta pares lang, pero teka bakit minsan may threesome? O foursome? Tsk! Adik na kupido..

Ibat iba ang estilo ni kupido sa pag-atake nya sa ating buhay. Kaya nga kung inlove ka man ngayon o hindi, wala kang ibang dapat sisihin hindi ang sarili mo kundi si kupido, malamang di ka pa nya napapagtripan.

So,walang pinipiling tao, lugar o pagkakataon. Madalas kung kelan natin least expected, saka tayo kakabugin. At wala kang kalaban laban o magagawa, para kang sumasalungat sa napakalakas na agos ng tubig ng isang ilog. Pilit kang manlalaban sa una, hanggang maubos ang lakas mo at igupo ang lahat ng ideyalismo at pangangatwiran na matagal mo nang pinaniniwalaan. Sa bandang huli, tatanggapin mo na lang ang katotohanan na ikaw ay biktima ni kupidong adik, biktima ng nakakaaning na pagmamahal. Maaaring sa maling tao, maling pag-ibig, sa ekstra ordinaryong paraan, o tipong parang one-way lang. Ngunit anot anupaman, iisa lang ang totoo, nalaglag ka na at wala ka nang magagawa dun.

At tama, kahit sa blogosperyo nabubuo din ang pagmamahalan, kahit di mo ito hinanap o inasahan.

Tanong nga ni ABBY sa isa sa mga posts nya,

“Is it possible to fall in lοve with someone you never met?”

Meaning, sa cyberworld, sa chat, o sa blog, posible nga bang mahulog ang loob mo sa isang taong dun mo lang nakilala. Ang sagot ko? Oo.

Bakit kaya? Ano ba ang meron?

Isang palaisipan, bakit kaya kahit na isang larawan ng demonyo o kutong lupa o pagkapangit pangit na nilalang ang nakalagay sa profile image ng isang blogista e binabalik balikan natin ang kwarto nya?

Nagpapatunay lang ito na hindi lang laging magandang itsura ang batayan natin sa pagpili ng isang tao. Syempre may contributing factor din ito pero hindi ibig sabihin nun e dun na nakapokus ang lahat. Bakit ka bumabalik balik sa blog nya? Kasi nawiwili ka at naaaliw kahit di mo alam ang totoo nyang pagkatao. Kasi nakakarelate ka.

Yun yun e, nakakarelate. Marahil yun ang hinahanap natin sa isang tao, yung alam natin na maiintindihan tayo. Makakapag-akay sa atin sa mga lugar na hindi natin nakikita. Makakapagturo sa atin ng direksyon, magtatama ng ating mga kamalian. At yung katangian na yun ay di natin makikita sa panlabas na kaanyuan o sa gara ng kanyang kotse o galing nyang pumorma.

Kaya nga sang-ayon ako sa minsang sinabi ni GILLBOARD na,

“Posible yung makakakilala ka ng magkakagusto sa'yo dahil sa mga sinusulat mo.”

Di natin namamalayan, sa araw-araw nating pakikipagusap sa isang tao unti-unti nang nahuhulog ang loob natin sa kanya. Kasi mas nakikilala natin sya nang lubusan, mas nakikita natin ang posibilidad na maaring sya yung taong hinahanap natin na makapagbibigay sa atin ng kaligayahan at sya yung taong gusto nating bigyan ng ating pagmamahal.

Sa una, nawiwili ka sa estilo nya sa pagsusulat. Naaaliw ka sa mga binibitiwan nyang linya. Natatawa ka sa mga hirit nyang korni. Nararamdaman mo ang mga hinaing nya sa buhay.

Ngunit, ang isang simpleng komento ay maaring magresulta sa mas malalim na ugnayan, palitan ng saloobin, palitan ng YM at cp numbers. Hanggang sa mamamalayan mo na lang na siya na pala ang bumubuo ng araw mo, kulang pag wala ang nakakabog na simpleng mensahe mula sa kanya. Dadating ang panahon na di mo namamalayan na buong araw na pala kayong magkausap at sya lang ang kayang kayang mapangiti ka ng isang buong araw.

Yun nga lang, mahirap mag-aasume kung san kayo patungo at kung ano ba ang intensyon nyo sa isat isa. Mahirap maging feelingero o feelingera. Pero kung ikaw, umaasa ka na sana isang araw e matauhan na yang madalas mong kausap, kaisa mo ako. Sana nga gumawa na yan ng hakbang, alangan naman ikaw pa ang mauna e ikaw ang babae? At ikaw naman brod, kelalaki mong tao e ikaw pa ata ang naghihintay ng magtapat sa yo yung babae? O baka naman natyotyope ka lang? o nakikiramdam? Takot mabasted at masopla? Aba e, magkalinawan na kayo ngayon ngayon pa lang. Baka bandang huli e malaman nyo lang na nagaaksayahan lang pala kayo ng oras sa isat isa.

Mahirap din masyadong magtiwala online kasi marami ang sadyang sweet lang, friendly, flirt, pafall at paasa. Unless magtapatan kayo ng tunay na saloobin saka ka pa lang pwedeng magfeeling. Ano ka ba baka mamaya nyan, masabihan ka ng “ano ba kita??” in your face?! Wasak na wasak ka nun for sure!

Makulay ang blogosperyo, masaya kasi marami kang makikilalang iba't ibang klase ng mga tao. Merong mabuti, merong masama at merong mga nagbubuti-butihan lang kagaya ko.

Posible bang mainlove ka sa isang tao na hindi mo pa nakikita? Posible ka bang mahulog sa isang tao na sa chat mo lang nakakausap? Sa tingin mo, maari mo kayang magustuhan ang isang tao base sa mga katagang iyong nababasa sa kanyang blog?

Sisihin mo ang adik na si kupido, pati sa blogosperyo e nagtitrip na rin!!



pektyur mula kay pareng gogol

19.4.09

bakit ako???!!

“wag mo akong sisihin, ikaw ang nauna…”

bakit?? di ba tinanong kita dati? di ka na kumibo, dinadaan mo lang ako sa iyak… alam mo naman malambot ang puso ko sa ganyan.. ako naman si gago kahit ayaw ko na, dahil alam ko naman na wala tayong direksyon, di pa rin kita iniwan, akala ko kasi di ko kaya..

alam naman nating mali, may iba pang kaluluwang nasasaktan. mabuti nga yung sayo, di nya alam ang ginagawa mo, di xa nasasaktan. e ako? alam nya! at nakikita ko kung papaano madurog ang puso nya at lumuha ng dugo sa bawat natutuklasan nya, pero tinitigasan ko ang puso ko. binibitiwan ko na xa, pero kumapit pa rin xa sa akin, sa pag-asang may panahon pa, may solusyon pa na maibalik yung “dati”. pero nabulag na ako, nabingi na rin, tumitigas na ang puso ko. pilit kong dinidiktahan ang puso ko na ikaw dapat, ikaw talaga dapat.

hanggang sa nagpaubaya na sya. di na nya kaya ang pait na nadarama nya, di ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman, nasasaktan din naman ako na makita syang ganun. na nagdurusa sya dahil sa kagaguhan ko; ako na wala nang pakialam sa kanyang nararamdaman. hindi din ganun kadali itapon ang pinagsamahan namin, yung mahabang panahon, yung mga alaala. pero paksyet! pinili pa rin kita!

o ngayon, malaya na tayo, nakadurog tayo ng dalawang tao sa mundo. tapos ano? akala ko nung pinili mo ako, isusuko mo ang pagkatao mo sa akin, handa mo nang harapin ang bukas kasama ako.

pero ganun pa rin, ayaw mo man sabihin sa akin ng diretso pero pinapipili mo pa rin ako! yun pa rin ang sitwasyon natin, kapareho pa rin nung sampung taon ang nakakalipas, kung bakit din tayo naghiwalay. akala ko ba matigas na buto mo ngayon? akala ko ba kaya mo na? bakit ako ang hinihingi mong magpaubaya? e ikaw? basta ba ganun-ganun na lang?? testingan ba ng lalim ng pagmamahal?? di naman simpleng prinsipyo o pride ito e..

oo pareho tayo, magkaiba ang paniniwalang kinamulatan natin.. akala ko rin noong una, walang hindi kayang lagpasan ang pag-ibig natin. pero bakit ito pa rin ang kinalabasan? hindi naman kita pinipilit na maniwala sa pinaniniwalaan ko, pero sinabi ko na sa yo, na hindi opsyon ang paglayo nating dalawa o pagkakaroon ng anak. di yun solusyon, kailanman e hindi solusyon ang pagtakas sa problema. sabi ko nga sa yo, simple lang naman ang solusyon, para patas, pareho tayong umalis sa ating paniniwala, magsimula ulit tayo. ngunit ayaw mo, ramdam na ramdam ko na gusto mo akong hatakin. ayaw mo lang sabihin kasi alam mong mapapahiya ka lang. mas pinili mo pang manahimik at masaktan kaysa magbitaw ng desisyon sa problema.

unti-unti, pinilit kong ilayo ang sarili ko sa yo, pinilit kong tanggapin na dead end ang daan na nilalandas natin. tinanggap ko na rin na hindi pala totoong may palayok na ginto sa dulo ng makulay na bahag-hari. oo, masama akong tao, sa paraang masama ka rin. nangyari ang lahat ng ito sa paraang ginusto nating dalawa. may mga bagay na hindi inungkat, hindi pinag-usapan, piniling wag sabihin sa isat isa. totoo na parang hindi.

may kanya-kanya na tayong buhay, sabi ko nga masaya ako para sa iyo, dapat ikaw rin para sa akin di ba??!

akala ko ba nakamove on ka na? bakit may pait pa rin ang mga salita mo? akala ko ba pumili ka na kagaya ko? akala ko ba sigurado ka sa desisyon mo?

di ba ito naman talaga ang gusto mong mangyari??






LinkWithin

Related Posts with Thumbnails