pektyur pektyur! ismayl!!!!

Showing posts with label horror. Show all posts
Showing posts with label horror. Show all posts

3.5.10

anino sa dilim

galing kami noon sa isang youth activity at around midnight na kami natapos. ang siste, kelangan pa namin isa-isang ihatid yung mga kagrupo naming mga babae dahil baka naman kung mapaano pa sila sa daan e dis-oras na ng gabi. may mga traysikel naman kung gabi pero palibhasa nga halos sa iisang lugar lang naman kami lahat nakatira at di naman kalayuan ang mga bahay namin sa isa’t isa, sige hatid na lang namin sila, mas ligtas pa.

pwede naman sana naming piliin ang malayong daan, kaso sa ganung oras ng gabi malamang na puro lasing na ang makakasalubong namin sa kalsada at baka mapagtripan lang kami. naisipan naming dumaan sa loob ng isang high-school campus, shortcut. noong mga panahong iyon e hindi naman isinasarado kahit gabi at makakadaaan ang kahit sino. at saka kung sitahin man kami ng gwardya e oki lang kasi kilala naman kami nun.

di namin kabisado ang daaanan namin, may mga bahaging malubak at sobrang dilim. walo silang mga babae at tatlo kaming lalake. bago pa lang kami pumasok sa campus, pasimple na akong kinausap ni kuya arnel (sumalangit nawa) na dun sa may bandang likuran ng mga babae kami pupuwesto at si kerwin (pinsang buo ko) naman dun sa may unahan para in case na magkatakutan or may mananakot e hindi kami magkakagulo.

marami kasing mga kwentong kababalaghan sa campus na yun lalo na pag sumasapit na daw ang gabi. andun na ang dwende, tikbalang na nakikita daw sa mga naglalakihang puno, white lady sa may tulay, boses ng babae na kumakanta at umiiyak sa may lagoon, paring pugot ang ulo, at ang ilang mga pangyayari ng mga estudyanteng sinapian ng masamang espiritu sa eskwelahang iyon.
kahit ako, totoong kinakabahan ako ayoko lang ipahalata. second time ko nang dumaan sa loob ng campus na iyon. nung first time, kasama ko tatlong kabarkada ko na mga duwag din, langya may narinig lang na tuko yung isa tumakbo na! akala naman namin e kung ano ang nakita nya kaya nakitakbo na rin kami!

so, ayon sa napagkasunduan nasa bandang unahan nga si kerwin kau-kausap nya yung isang babae ana dinidiskartehan ata nya nung time na yun, sa gitna ung pitong mga babae, kaming dalawa ni kuya arnel sa likuran. pansin ko na halos parepareho kaming tahimik habang papasok sa gate ng campus. may nagkwekwentuhan man, pero mahihina lang ang boses. tingin ko, lahat kami e takot.
ako, nakikiramdam lang. naguusap kami ni kuya arnel pero wala na sa kanya ang atensyon ko. madilim kasi noon nakapagpadagdag pa ng sa aming imahinasyon ang liwanag ng buwan na nagbibigay ng kaunting liwanag sa aming dinadaanan sa ilalim ng mga malalaking puno ng ipil ipil at balete.

habang tuloy ang marahan na paglakad namin sa gitna ng dilim at ang kapansin pansing unti unting pananahimik ng buong grupo, parang nagtatayuan ang mga balahibo ko sa braso at sa batok. para bang yung pakiramdam na may isang mukha na unti unting lumalapit sa mukha mo? tuloy lang ang lakad ko, walang lingon lingon, kahit sumulyap sa gilid ng aking mga mata ay di ko ginawa, ayokong makakita ng white lady o ng pugot na ulo o ng tikbalang o kapre.

nung nakita na namin ang kabilang gate, at mga liwanag ng mga bahay nakahinga hinga na ako nang maluwag. pero hindi pa ako masyadong nakakalma e nabuhay na naman ang kakaibang kaba sa aking dibdib, kelangan naming dumaan ulit dun pauwi.

so dating set-up sa hulihan ulit kami ni kuya arnel.

nung nasa may kalagitnaan na kami ng daan, kung saan may konting liwanag mula sa tanglaw ng buwan, sikreto syang bumulong sa akin,

“huwag kang magpapahalata sa kanila… huwag kang matakot.. simple ka lang, tuloy lang ang lakad mo… may gumagaya sa iyo, dalawa ang iyong anino, at ikaw lang…”

di ko nagawang lumingon at usisain ang sinabi nya sa akin, pakiramdam ko tuloy ay may basehan yung pakiramdam ko na may mukhang unti unting lumalapit sa akin.

nung nakita na ang liwanag sa may dulo, unti unti na ulit umingay ang grupo. tawanan na ulit at kulitan, nanatili kaming tahimik, na napansin ng isa kong kagrupo. bandang huli ay hindi ankatiis si kuya arnel, sinabi nya na nakita nya na bukod tanging ako lang ang dalawa ang anino sa grupo. nakakapagtaka dahil iisa lang ang souce ng liwanag sa dinadaanan namin nung time na yun. ayon sa kanya, may gumagaya sa anino ko.

tinanong ako ni kuya arnel, “pakitain ka ba?” (meaning if palagi akong nakakakita ng mga multo o engkanto o kung ano ano pa na hindi basta basta nakikita ninuman) sabi ko , “hindi. pero may puyo ako sa noo at sabi noon ng lola ko, kung meron mang makikitang kakaibang “entity” sa isang lugar, yung kasama ko daw ang makakakita at hindi ako”….

di ko pa po napatunayan kung totoo man o hindi yung sinabi ng lola ko regarding sa relevance ng puyo at sa pangyayari nung gabing iyon. (at sa iba pang mga naging pangyayari bago at pagkatapos ng gabing ito)

ang totoo, malakas lang ang pakiramdam ko, alam ko kung may kakaibang “entity” sa isang bahagi ng isang bahay. di ko sila nakikita, (hindi pa?) pero nararamdaman ko sila.
o pagkakataon lang na “pakitain” pala si kuya arnel at sa akin sya napasabay? weird no?
ikaw, takot ka ba sa dilim?



LinkWithin

Related Posts with Thumbnails