Disclaimer: Bawal dito ang ipokrito at ipokrita. Kung mapagmalinis ka at manghuhusga lang, wag mo nang ituloy ang pagbabasa mo.
Kung mamboboso ka ano ang unang una mong titingnan? Or ano ba ang gusto mo talagang makita?
Gaano kadalas mo itong ginawa or ginagawa? Bakit may hatid itong kiliti at munting saya sa iyong katauhan at sa malikot mong isipan? Bakit mo ito hinahanap hanap at kahit na alam mong hindi pwedeng gawin sa lahat ng oras e ginagawa mo pa rin kahit may panganib na mahuli ka sa akto ng kaopisina mo, ng boss mo, or ng ibang tao na lihim na nagmamatyag sayo? Nag-eenjoy ka ba sa simpleng paninilip? Nakakadama ka ba ng saya tuwing ginagawa mo to?
Pero teka, ano nga ba ang dahilan para gawin mo yun? Ano ba ang hinahanap hanap mo?
1. Kulay? Naiingganyo ka ba sa kulay ng pakay mo at ng mga nakapaligid dito?
2. Makaexperience lang? kasi may mga nagturo sayo at nagsabi na ok sya?
3. Kasi madami ding nakikisilip sa kanya at ayaw mong mahuli sa kwentuhan kaya nakiride on ka na lang? masarap bang pagkwentuhan pagkatapos?
4. Dahil ba sa kapirasong laman na iyong laging hinahanap hanap sa madalas mong paninilip sa iba? Nagbabakasakali ka ba na sa isang ito makikita mo na rin ang hinahanap hanap mo?
5. Dahil ba tipong kiss and tell ka? Gusto mo lagi kang una sa tsismis at updated ka sa balita? Gusto mo ikaw ang bida, ikaw ang magbroadcast na ok sya? Na may nakita kang kakaiba na hindi nila nakita?
6. Kasi kahit balik balikan mo sya ay hindi pa rin nababawasan yung saya na naiibigay nya sayo sa tuwing sisilipan mo sya?
7. Kasi adik ka na? Na nagiging libangan mo na lang ang paninilip kung kani kanino? Pasimple man o garapal?
Ako, aminado ako mahilig akong mamboso. Nakakaadik kasi. Oo, adik na yata ako! Hindi lumalagpas ang isang araw na hindi pwedeng di ko ito gagawin, hinahanap ko na. Sa opisina man, sa aking kwarto, sa resto o minsan nga kahit sa public places pa! Basta may pagkakataon. Kahit anong oras, kahit dito sa opisina, basta may pagkakataon. Minsan kakilala ko man o hindi, basta may chance binobosohan ko na rin, malay natin itong isang tahimik na nilalang na to ang makakabuhay ng aking diwa sa araw na to?
Pero ang totoo, bunga siguro ng pagkaadik ko sa gawaing ito hindi na ako madaling masiyahan na kagaya ng dati. Minsan di ako nasisiyahan sa basta kulay lang. Madalas hinahanap hanap ko ang tunay na laman ng post mo. Pilit kong hinahalukay ang something na matututunan ko dito, something na makakapagpangiti sa akin sa araw na ito. Something na masasabi kong,
“ahh pareho pala tayo?” “uyyy oo nga, nanagyari na sa akin yan!” “ahh ganun pala yun? Thanks for sharing!” “astig!”.
Totoo naiimpress ako pag madaming follower ang isang blogger, kasi ibig sabihin nun friendly sya, may sense, may laman ang blog, at pilit kong hahanapin pa yun sa mga previous posts nya. Pero wag kang malungkot kung kokonti man ang follower mo, di ibig sabihin nun walang nagbabasa sayo. Pag marami akong time binabalikan ko lahat ng nag-aksaya ng panahon na dumalaw sa akin, wag kang mag-alala nakalagay ka sa bookmarks ko at hahalukayin ko ang lahat ng mga kaangasan mo. Ia-add kita sa ayaw mo man o gusto, hindi man dahil sa post mo ngayon or bukas pero maaaring pag may nabasa ako sa previous posts mo. Wala akong pasabi magugulat ka na lang! Kaya steady ka lang dyan!
Pero syempre, priority sa listahan ko yung mga nagsasabi sa akin na..
“sinilip kita, halika bosohan mo rin ako!”
Ikaw, ano nga ba ang hinahanap mo sa paninilip mo?
pektyur mula kay pareng gogol