Mommy, ayoko na mag-aral...
Ha? Bakit naman?
Kasi baka magalit ka sa akin...
Bakit naman ako magagalit?
Kasi minsan may mali ako sa exams.
Mommy, nahihiya ako sa 'yo pag hinde ako magaling sa school... :((
(This is an excerpt from a friend’s FB wall; conversation with her 4-year old kiddo over dinner..)
****

Ansarap nilang tingnan no?
Ni hindi mo nga mamamalayan na tumatakbo ang oras sa panonood lang sa kanila... di natin maiwasang mainggit -- mabuti pa ang mga batang ito walang iniisip na anumang problema.
Kakain pag nagutom, babalik sa paglalaro kapag nabusog, matutulog kapag napagod, iiyak kapag nasaktan, tatahan pag niyakap at inalo alo...
Napakasimple lang ng kanilang buhay.
Marahil kagaya ko rin, labis kang natutuwa sa early development ng mga bata ngayon. Mas makulit, mas madaldal, mas madaming alam. At oo syempre naman hindi ako kelangan magpatalo sa makukulit nilang mga tanong at walang katapusang "bakit??".
Kadalasan pag nakikita natin yung kabibohan at potensyal nila, mas pinipili nating magsimula silang mas matuto at palawakin ang pakikisalamuha sa maagang pagpasok sa eskwelahan. Minsan nga lang nakakaligtaan natin na sa kanilang murang edad e dapat sana nag eenjoy pa sya sa paglalaro at pagtuklas ng mga bagay -- sa labas ng mga dingding ng paaralan.
Noong nag-aaral pa tayo pinipilit din nating maabot ang pinakamataas na marka, pinakamataas na karangalan, maging pinakasikat sa klase, pambato ng school. Sa mga katagang madalas nating marinig sa ibang tao na “malayo ang mararating ng batang to” o kaya sa tuwing pinupuri tayo ng ating mga magulang sa harap ng kanilang mga kaibigan, di natin maiwasang mangiti. Masarap sa pakiramdam.
Pero kapalit ng lahat ng pagpapaka nerd mo at walang katapusang pagsusunog ng kilay, di mo na napansin na nasakripisyo na pala ang sariling oras para mas matikman mo ang sarap ng iyong kabataan. Nagising ka na lang isang umaga na nasanay ka na lang na nakikipagkumpetensya sa lahat ng nasa paligid mo.
Hanggang ngayon hindi ka pwdeng pumetiks kahit saglit, parang anlaking kasalanan pag rumelax relax lang.. Magmula sa apat na sulok ng mababang paaralan paakyat sa bawat palapag ng iyong munting cubicle na ginagalawan, tuloy pa rin ang pakikipagtunggali mo sa mundong iyong nakagisnan.
Survival of the fittest. Nakalakhan mo na at nakasanayan ang pressure at kumpetisyon.
Pero kelan na nga ba ang panahon para i-enjoy ang lahat sa buhay mo? ang lahat lahat ng pinagpaguran mo? pag retired ka na? sa panahong malayo na ang loob ng anak mo sayo? sa panahong dalawa na lang kayo ng asawa mo? sa panahong hindi mo na kaya pang magbyahe ng malayo at matagal dahil sa katandaan mo? Darating ang panahon, saglit kang lilingon sa lahat ng nagawa mo, sa lahat ng meron ka. Kakapain mo sa sarili mo, para san nga ba lahat ng pinaghirapan ko? Masaya na nga ba ako ngayong nasa akin na ang mga bagay na noon ay pinapangarap ko lamang?
Kundangan kasi noong bata pa tayo bakit ba kase masyado tayong nagmamadali sa ating paglaki at pinipilit hatakin ang panahon? Tapos ngayon kung kelan tumatanda na at nagkaisip saka naman pilit pinapabagal ang mundo sa pag ikot nito.
Ngayon lagi na tayong nakalingon sa ating pagkabata, yung panahon na kung kelan napakasimple lang ng buhay. Ang sarap lang sanang balikan yung panahon na lahat ng bagay ay hindi pa ganun kakumplikado, na pwede kang magdesisyon nang walang inaalalang ibang maaapektuhan kundi ang iyong sarili. Pero di na ganun kasimple ang lahat.
Kaya’t sa aking pagtanda, sa paglaki ng aking magiging mga anak, sana kahit papaano matulungan ko sila na maramdaman ang tunay na saya ng pagkabata. Maranasan sana nila ang buhay at its fullest at magenjoy. Maipadama ko sana na ang buhay ay hindi lang umiikot sa pagiging number one sa loob ng apat na sulok ng paaralan. Na higit na mahalaga na makita nila ang ibat ibang aspeto buhay lalo na ang mabuting pakikipagkapwa at maappreciate ang mga bagay na meron sila, maliit man o malaki.
I think everybody should get rich and famous
and do everything they ever dreamed of
so they can see that it's not the answer.
Jim Carrey
an_indecent_mind