![]() |
pektyur mula kay pareng gogol |
pektyur pektyur! ismayl!!!!
27.11.10
party party!!!
9.11.10
TAMAAAA!!!
Point of Argument: ON BEING RIGHT.
Sino nga ba ang totoong MAY TAMA?
an_indecent_mind
22.5.10
si kupido sa mundo ng blogosperyo
At tama, kahit sa blogosperyo nabubuo din ang pagmamahalan, kahit di mo ito hinanap o inasahan.
Tanong nga ni ABBY sa isa sa mga posts nya,
“Is it possible to fall in lοve with someone you never met?”
Bakit kaya? Ano ba ang meron?
Kaya nga sang-ayon ako sa minsang sinabi ni GILLBOARD na,
“Posible yung makakakilala ka ng magkakagusto sa'yo dahil sa mga sinusulat mo.”
Makulay ang blogosperyo, masaya kasi marami kang makikilalang iba't ibang klase ng mga tao. Merong mabuti, merong masama at merong mga nagbubuti-butihan lang kagaya ko.
pektyur mula kay pareng gogol
1.7.09
Da return op di kambak!
Wala ring katotohanan na natanggal ako sa trabaho sa kadahilanang nahuli akong nakapasok ang ulo sa drawer habang pasimpleng natutulog dahil sa sobrang puyatan sa gimik at nightlife. Di po totoo yun, dahil wala naman akong gimik dito, wala ring nightlife at isa pa, malaki ang ulo ko di kakasya sa drawer!
Ang totoo nyan ay naging napakaabala ko sa trabaho.. huh?? Ako ba ito??!! Hahaha!! Anyway, nakalagpas na ako sa aking kalbaryo… so ang kasunod kong itinerary ay mag-housekeeping sa magulo at makalat kong mesa na mas magulo pa yata kaysa sa utak ko…
Isa pa, may nahuli akong maamo at napakagandang paru-paro… at naging abala talaga ako sa pag-aalaga neto.. Medyo nahihirapan lang ako kasi di naman talaga ako marunong mag-alaga ng paruparo.. di ko man lang alam kung ano ba ang pinapakain sa kanila (hmmm… kumakain kaya sila ng mais?? LOL) medyo pinag-aaralan ko pa din ang kanyang mga kilos, pero medyo nagkakaintindihan na din naman kami kahit papaano..
Sa loob ng ilang araw ng samut saring pinagkakaabalahan ko, meron din naman akong ilang natutunan at napatunayan at nais ko sanang ibahagi sa inyo..
1. ang pag-ibig pala ay may expiration date. Para lang itong sale item sa hypermarket, pag ini-offer ngayon kelangan mo nang hawakan at bilihin ito. Dahil kung hindi, may ibang dadampot o bukas e regular price na ulit.
2. Ibat iba ang mukha ng tao. Hindi porke marami ka nang pinagdaanan sa buhay ay kilala mo na lahat ng makakasalamuha mo. Mag-obserba, panatilihing bukas ang mga mata.
3. Hindi lahat ng mukhang bagong ligo ay mabango.
4. Wag na wag magapapadala sa mapanlinlang na itsura. Wag sukatin ang tao sa kanyang panlabas na anyo.
5. Walang ibang tao ang makapagsasabi kung anong klaseng tao ka. Pag humarap ka sa kanila, para ka lang humarap sa isang malabong salamin. Ikaw lang ang totoong nakakakilala sa sarili mo. Wag basta basta maniniwala sa kung anumang sinasabi nila. Humingi ng payo, makinig, mag-analisa at sundin ang sariling pag-iisip.
6. Oo nga, hindi lahat ng matalino ay magaling at hindi naman lahat ng magaling ay matalino.
7. Tumawa ka kung may problema. Totoo, nakakagaan ng dibdib, pero tandaan hindi nito mareresolba ang anumang dinadala mo.
8. Kung hindi ka handang matalo, wag ka na nga namang makipagtalo. Gayundin, mahirap makipagtalo sa taong ayaw magpapatalo. Piliing mabuti kung kanino ka makikipagtalo.
9. Bawasan ang pagiging sweet at masyadong malandi, hindi maganda sa kalusugan.
10. Ingatan ang sarili. Lalo na ang sariling katinuan. Iwasan ang pag-iisip sa mga problemang mahirap solusyunan.
11. Matulog nang marami hanggat may pagkakataon ka. Pag dumating sayo ang problema, tiyak kong hindi ka na makakatulog.
12. Magdesisyon ayon lang sa iyong kapasidad. Huwag nang pilitin kung alam mo namang hindi mo kaya.
13. Panatilihing may silbi ang utak. Binigyan ka nito para gamitin hindi para lang maging palaman sa ulo.
14. Huwag magbigay kung wala namang maibibigay. Huwag din humingi ng anuman na wala namang mapaggagamitan. Huwag ituring na junk shop ang buhay, gugulo lang at magiging makalat.
15. Oo, tama. Huwag magagalit at sasama ang loob kung ayaw sayo ng taong mahal mo. Malamang bukas ay ayaw mo na din sa kanya, naunahan ka lang.
16. Oo, wag na wag kang magrereklamo kung hindi ka mahal ng mahal mo. Kasi may mga tao rin na di mo mahal pero mahal ka.. Kaya quits lang.
17. Kung di ka masaya sa ginagawa mo simple lang ang solusyon, wag mo nang gawin ito. Pwede din namang magtiis wag lang magpapakatanga.
18. Hindi lahat ng biro ay nakakatawa.
19. Sa mga mahal mo sa buhay, pwede kang magpayo. Ipakita ang tama at mali at ang consequences. Pero wag na wag mong ipilit ang payo mo kahit na alam mong tama ito. May sarili silang buhay, wala kang karapatang magdesisyon para sa kanila.
20. Kapag sinabi sa yo na “wag kang kikibo ako ang hihipo” wag kang mag-isip ng bastos, maaring iba ang pakahulugan nyan… pakaisipin mong para na ring sinabi sa yo na “hayaan mong mahalin kita sa paraang alam ko”.
3.6.09
bakit hindi ako dapat tawaging bagong bayani?
hindi ako bayani. sila lang yun, yung mga patay na. andun, nakahimlay sa libingan ng mga bayani. sila na may mga malaki at natatanging naiambag sa ating bansa.
hindi ako bayani. buhay pa ako.
wag nila akong ituring na bayani dahil ako ay makasarili. mas pinili kong lisanin ang bansang pilipinas kaysa makibaka sa kalsada at makipagpatayan sa mga isyung politikal at panlipunan na paulit ulit lang naman at di masolusyunan ng mga nagbibingi-bingihang nasa kapangyarihan.
hindi ako maituturing na isang bayani dahil bulok din ang kaisipan ko. kaya nga ako bumoto at nagluklok ng isang trapo ay iniasa ko na lang sa mga kagaya nya ang pilipinas. at pagdating ng panahon may masisisi ako kung bakit di umuunlad ang pilipinas. sa gayon, maikonekta ko din ang aking rason para mangibang bansa at kumita ng dolyares.
hindi ako isang bayani, isa akong linta na sumipsip at nakinabang sa edukasyong ibinigay ng aking paaralan upang magamit ito sa progreso ng mga dayuhang kapitalista.
hindi ako isang bayani, isa lang akong makinarya para sa mga kapitalista. pero, hindi ako isang basta bastang makinarya kagaya ng iba, tatak pinas ako. may kalidad, may abilidad, may silbi – kaya nila ako pinahahalagahan.
hindi ako isang bayani. isa din akong utak talangkang pilipino na nagpipilit makaahon sa kahirapan at bulok na sistema ng pilipinas na lalong nagpapahirap sa mga kagaya ko.
pero sa mata ng pamilya ko, hindi nila kailanman itatanggi na isa akong bayani. at walang sinuman ang makapagnanakaw ng pagtingin na iyon. hindi dahil sa buwanang remittance na kanilang natatanggap kaya nila ako mas pinahahalagahan ngayon, ngunit dahil napatunayan nila na kaya kong isakripisyo ang aking pansariling kaligayahan para sa ikabubuti ng kalagayan nila. bayani ako sa kanila dahil sa kabila ng lahat ng hirap at sakripisyo ng pagiging isang ofw ay pinili ko pa rin ang manatili dito.
hindi madali ang makibagay, makisama at makisalamuha sa iba’t ibang lahi. hindi madali ang magtrabaho walumpung oras sa loob ng isang linggo. hindi madaling patayin ang inip at homesick habang nag-iisa ka sa iyong kwarto.
wala nang mas sasakit pa sa isang ofw na kagaya ko ang di makasama ang asawa, anak at mga mahal sa buhay sa bawat paglipas ng araw. hindi madaling pawiin ang agam-agam sa aming mga sarili sa bawat minutong nagdadaan na malayo kami sa aming mga mahal sa buhay.
ngunit kagaya ng ibang ofw, pinili ko pa ring mangibang bansa. kapalit ng lahat – panahon, lakas, talino, pride, mga importanteng okasyon, mga kaibigang tunay, kapanatagan ng loob, seguridad, at simpleng buhay sa pinas. para sa katuparan ng aking mga pangarap, ang maibigay ang magandang buhay na hindi ko maibibigay kung mananatili ako dyan sa pinas.
iba’t iba man ang kwento ang bawat isa sa amin kung bakit kami napadpad sa kung saan man kami naroon ngayon. isa lang ang katiyakan, mas matimbang sa amin ang ikagiginhawa ng aming mga mahal sa buhay kaysa sa aming mga pansariling kaligayahan at interes.
maliban sa payak at di-sinasadyang tulong, sa pamamagitan ng pagpapadala ko ng dolyar, na naibabahagi ko sa pagbangon ng ekonomiya ng ating bansa, wala akong ibang maipagmamalaki at masasabing nagagawa ko para sa pilipinas para tawagin akong isang bayani.
hindi din ako kumporme sa bansag na pilit nila ikinakabit sa pangalan ko dahil lang sa kadahilanang isa akong ofw. kagaya ng iba pang ofw, hindi ko hiningi o ginustong bansagan akong bayani. wag na nila akong isali sa kabulastugang iyan! pakana lang iyan ng gobyerno, pampalubag loob lang.
kung naiinggit ka man dahil nabilang ako dito, ikaw na lang ang maging bayani! sa yo na! mas higit sa kahit anupaman, mas nanaisin pa rin naming mga ofw ang respeto kaysa pagkakilala.
respeto lang kaibigan, hindi mo ako kilala, wag mo akong huhusgahan. di mo alam ang buhay na pinagdaanan ko dyan sa pilipinas, at hindi mo nararamdaman ang sakripisyong dinadanas ko ngayon.
31.5.09
a-tapang a-tao indi a-takbo
Masasabi mo bang matapang ka kung kaya mong makipagsagupa sa lahat ng adik sa lugar nyo? O makipagrambolan at makipagbasagan ng mukha; makisawsaw sa gulo ng may gulo…
Kung kinatatakutan ka pwede bang masabing ikaw na ang pinakamatapang sa lugar nyo?
O kaya naman ay matapang ka ba talaga kung maiwan kang mag-isang nakikipaglaban sa gitna ng giyera kagaya ni Rambo??
Kung handa kang ibuwis ang buhay mo para sa ibang taong di mo naman kaano-ano, matapang ka nga bang talaga?
Matapang ka nga ba kung lagi ka naming nakikitang nakikibaka dun sa Mendiola? Nakikipagbatuhan at nakikipaghampasan sa mga riot police, binobomba ng water truck, kinakaladkad ng mga abusadong pulis habang walang tigil na binabatuta… Maituturing ka bang matapang kung walang sawa mo itong ginagawa?
Matapang ka ba kung sa kabila ng panganib ay pinili mong isiwalat ang nalalaman mong katotohanan, kahit sino pa man ang iyong masagasaan?
Matapang ka nga ba kung kaya mong taas noong harapin ang pangaalipusta ng mga tao sa paligid mo dahil ikaw ay naiiba sa lipunan, may kapansanan, o dili kaya ay nabibilang sa grupo ng ikatlong kasarian?
Matapang ka ba na kaya mong humarap sa magulang ng babaeng nabuntis mo sa mura nyong edad? At pangatawanan ang lahat, ipangakong itataguyod mo ang iyong pamilya sa abot ng iyong makakaya..
Matapang ka nga ba kung handa mong pangatawanan ang pagiging isang responsable at huwarang padre de pamilya kahit sa gitna ng hirap ng buhay?
Kaya mo bang harapin ang katotohanang sa iyong pag-uwi mula sa pagpapaalipin sa ibang bansa ng mahabang panahon ay wala ka man lang naipundar? at mas masaklap pa ay iniputan ka pala sa ulo ng iyong mahal na asawa… Katapangan din ba itong maituturing?
Matapang ka ba kung ikaw ay gaya ng isang paslit sa lansangan na nakikipagpatintero sa mga humahagibis na sasakyan para sa konting baryang pwede mong kitain?
Matapang ka ba na kahit masama at mapanganib e kaya mong mangholdap, magnakaw, magsnatch, umakyat sa mga tower ng kuryente, mangidnap, mangcarnap para sa mga anak mong kumakalam ang sikmura?
Matapang ka nga ba na kaya mong ikalakal ang iyong katawan at tiisin ang pambababoy ng bakla, mga matrona o mga lalaking hayok sa init ng laman kapalit ng perang pantawid gutom?
Matapang ka bang maituturing kung nagawa mong takasan ang nakakaadik mong bisyo?
Katapangan bang sabihin mo pa rin ang niloloob mo sa isang taong gusto mo kahit na tingin mo ay suntok sa buwan ang magkatuluyan kayong dalawa?
Katapangan din ba kung haharapin mo na lang ang katotohanan na hindi talaga kayo para sa isat isa ng iyong pinakamamahal?
Sigurado ako, ilan lang sa atin ang totoong makapagsasabing handa na silang mamatay anumang oras. Matapang ka nga ba kung kaya mong harapin ang kamatayan?
Kasing tapang ka ba nilang mga may taning na ang buhay at konti na lang nalalabing araw sa mundo? Sila na nararatay sa banig ng karamdaman at naghihintay na lang ng takdang oras….
Sa kaparehas na aspeto, gaano karaming tapang ang kailangan upang makita mong araw araw na nagdudusa sa banig ng karamdaman ang iyong pinakamamahal sa buhay?
Paano ba talaga sinusukat ang katapangan ng isang tao?